Matapos itanggi ang panghahalay kay Sandro, akusado na-hospital!

Richard Cruz, Jojo Nones, at Atty. Lorna Kapunan

May ilan pa ring kumukwestiyon kung bakit pinakialaman ng Senado ang isyung sexual harassment na ibinibintang ni Sandro Muhlach sa dalawang indepen­dent contractors ng GMA 7 na sina Jojo Nones at Richard Cruz.

Kung tinutukan nila ang hearing na isinagawa ng Committee ni Sen. Robinhood Padilla on Public Information and Mass Media, malawak ang usaping ito na isasabatas ng Senado kaugnay sa Rep. Act 8353 oAnti-Rape Law.

May ibang kaso ng sexual harassment pa silang pag-uusapan, at sa katunayan nandun din sa hearing si Atty. Lorna Kapunan dahil ni-represent niya ang TV patrol reporter na si Gretchen Fulido.

Kung matatandaan, ilang taon na ang nakaraan kinasuhan ni Gretchen ang dating executives sa ABS-CBN ng Sexual Harassment at Libel.

Naungkat uli ‘yan ngayon dahil sa isyung ito ni Sandro.

Kaya sana nga may magagawa ang Senado sa pag-am­yenda ng Anti-Rape Law.

Kaya may mga nagtatanong na rin kung aabot din ba ito sa Kongreso.

Sabi naman ni Cong. Lani Mercado nang makatsikahan namin sa DZRH, hindi lang naman sa entertainment nangyayari itong sexual harassment. Kaya hindi pa raw niya alam kung aabot din ito sa Kongreso. “Tingnan natin. It will lead to file stricter penalty for this. We will do so. Medyo sensitive lang talaga itong nangyari kay Sandro Muhlach. And I’m sure they have… kumbaga, nailagay na nila ito sa tamang perspective, sa tamang korte. Nasa NBI na ito, nasa investigation na ito,” pakli ni Cong. Lani.

Ibinahagi na rin sa amin ni Cong. Lani na pagkatapos pala nung nangya­ring insidente, kinabukasan ay pumunta raw sila ni Niño kay Sen. Bong para hu­mingi ng payo. Nakita raw ni Cong. Lani kay Sandro na sobrang na-trauma ito sa nangyari sa kanya.

“This is kinda sensitive. Ang sabi namin idiretso n’yo agad sa network. Magsabi kayo agad kay Atty. Annette Gozon dahil siya ang boss namin. Huwag nang iparating kung kanino pa. Seek her advice on what to do dahil sakop niya ‘yung mga alleged na taong gumawa ng hindi magandang aksyon na ito”

Kahit si Sen. Bong ay sinabi rin sa hearing sa Senado na nakita niya kung gaano katindi ang trauma kay Sandro.

Kaya naniniwala siyang totoo ang mga sinabi ng anak ni Niño Muhlach.

Sabi pa niya kay Jojo Nones, “Ikaw, kilala rin kita kasama ka namin sa project…ang sa akin lang. Siyempre dun na tayo manindigan sa tama no? It’s so unfair. Si Niño pa. You know Niño ‘di ba?”

“Hindi kami namemersonal dito. ‘Yung sa atin lang, in aid of legislation, para ma-avoid natin at maiwasan na maulit ‘yung ganyang mga pangyayari.

“Pero sa totoo lang, ako personally, nakita ko ‘yung bata, nanginginig siya. Sa mata ko, totoo ‘yung sinasabi niya.”

Kahapon pala ay na-emergency sa hospital ang isang independent contractor na si Richard Cruz. Hindi na rin niya siguro kinaya ang sobrang stress, kaya na-hospitalize na ito.

Joel Lamangan, naloloka sa fans ng BQ

Naloloka si direk Joel Lamangan nang nakasabay namin sa Cinemalaya sa Ayala Malls, Manila Bay noong nakaraang Sabado.

Dumalo siya sa screening ng premiere ng pelikulang AbeNida ni direk Louie Ignacio.

Pagdating niya roon, pinagkaguluhan siya ng mga tao para magpa-picture. Tinatawag siyang Roda, ang character niya sa Batang Quiapo ni Coco Martin.

Isa siya sa nakakaaliw na karakter sa natu­rang teleserye, at madalas ay nagte-trending sila nina Maritess na si Cherry Pie Picache, at ni Lena, si Mercedes Cabral.

Ngayon ay magsasama sila uli sa isang film project ang Fatherland na collaboration ng Heaven’s Best Entertainment at BenTria Productions.

Si direk Joel ang director nito, pero magkaiba raw talaga ang role rito nina Cherry Pie at Mercedes.

Ni-request kasi ni Cherry Pie na siya na ang kontrabida at gustung-gusto niyang gampanan ang role ng isang Mayor na lumaki sa farm.

Pero bilang direktor sa pelikulang ito, babawi raw siya at pag-ibahin daw niya talaga sina Cherry Pie at Mercedes. “Nakita ko how progressive their minds are. That’s why I said, ‘Ay! I will direct nga these two.’

“Kaya nandito sila ngayon sa amin. Pero alam ko, gusto ni Cherry Pie, baligtad ang role. Kaya binaliktad ko.

“Salbahe siya ngayon, mabait si Mercedes. Kayang-kaya nila! Kahit nakapikit ang mga ‘yan, kayang-kaya nila ‘yan, ‘no?!” bulalas ng multi-awarded director.

Show comments