Double celebration ang 40th birthday ni Marian Rivera.
Nanalong best actress si Marian sa katatapos na Cinemalaya Independent Film Festival para sa pelikulang Balota.
Naka-tie niya si Gabby Padilla ng pelikulang Kono Basho.
Ito ang first major award ng misis ni Dingdong Dantes na nagkataong birthday pa niya.
Kaya naman over the moon ang actress.
“Nakuha ko ang aking unang acting award sa edad na forty.
“Isang bagay na akala ko’y hindi ko na magagawa. Posible pa pala.
“Pero higit sa award, ang regalong natanggap ko ay ang muling pagliyab ng aking pagmamahal sa paggawa ng pelikula, dahil sa inspirasyong ibinigay sa akin ng Cinemalaya community. Isa itong makabuluhang chapter sa buhay ko na hinding-hindi ko malilimutan,” umpisa ng post niya kahapon.
“At ito ay naging posible dahil sa mga tao na tumulong sa akin.
“Kay Direk Mike Tuviera, aking manager, na sinigurong wala na akong iba pang iisipin para magampanan ko ang role na si Teacher Emmy. Coach, salamat sa walang sawang paggabay.
“Sa GMA, sa pamumuno ni Ms. Cheryl Ching-Sy, salamat sa tiwala at sa pagbukas ng pinto para pasukin ko ang Cinemalaya.
“Sa mga kasama kong bumubuo ng Balota, sa napakahusay na cast, staff, crew, team Marian at creatives—hanga ako sa inyo, dahil ramdam ko ang tindi ng pagmamahal ninyo sa paggawa ng mga kuwentong may saysay.
“Sa aking pamilya, higit lalo sa aking kabiyak, salamat sa suporta mong buong-buo. Simula’t sapul ay nariyan ka para bigyan ako ng lakas.
“Higit sa lahat, kay Direk Kip. Isinilang mo ang karakter ni Teacher Emmy. Pinagkatiwala mo sa akin, at kasama mo, tayong dalawa ang humubog sa kaniyang malakas na boses. Salamat, at dahil sa karakter na ito, naiparating mo ang mahalagang mensahe ng pelikula sa mga manonood, at iyon ay ipinagpapasalamat ko nang may kasamang pagpupuri sa iyong talento.
“Salamat LORD walang hanggang pasasalamat sayo!,” buong post ng bagong waging Best Actress na bukod sa best actress trophy ay ang Balota rin ang number 1 sa box office sa mga pelikulang napanood sa Cinemalaya 2024.
Anyway, si Gabby ay mas kilala naman sa Indie film community at inaasahang magkakaroon na rin ng mainstream projects.