Tatlong Rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) at ilang R-16 (Restricted 16) at R-18 (Restricted 18) ang mga pelikula na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ngayong Miyerkules sa pahintulot ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio, sa ilalim ng PG, maaaring manood ang mga edad labingtatlo (13) at pababa na kasama ang kanilang mga magulang o nakatatanda sa kanila.
Ang local film na When the World Met Miss Probinsyana ay may PG rating. Sinabi nila na ang pelikula ay naglalaman ng mga tema, eksena at aksyon na kakailanganin ang gabay ng magulang.
Ang Korean action movie na Project Silence naman ay nabigyan din ng PG rating dahil ito raw ay may marahas na paglalarawan at hindi pangkaraniwan ang mga salita na hindi angkop sa mga bata.
Ang pelikulang Borderlands ay PG din dahil ito raw ay naglalarawan ng ilang wika at eksena na kailangan ng gabay ng nakatatanda.
Samantala, nabigyan naman ng markang R-16 ang It Ends With Us. Ang R-16 ay para lamang sa mga edad 16 at pataas dahil grapikong paglalarawan ng karahasan at ilang sekswal na mga eksena.
Ang Unang Tikim ay nabigyan ng R-16 at R-18. Ang R-18 ay para lamang sa mga edad 18 at pataas. Ang pelikula ay may mga sekswal na eksena na hindi akma sa mga menor-de-edad ayon sa Board Members ng MTRCB.
Sinabi pa ni Chair Sotto-Antonio na sa pamamagitan ng pagpapalakas ng media literacy at responsableng panonood, magiging matalino ang publiko sa pagsusuri ng mga angkop na pelikula para sa kanilang pamilya.
Ang kulang na lang talaga sa mga sinehan natin ngayon, ang manonood.
Pawang mga Hollywood films ang pinipilahan pagkatapos ng MMFF noong December.
Anyaway, ang ilang pelikula kayang kumita sa Cinemalaya Independent Film Festival, magkaroon ng commercial run?
Pwede siguro dahil nga ang daming nagkainteres sa pelikulang Balota at Kono Basho na pinagbidahan nina Marian Rivera at Gabby Padilla na tie sa Best Actress at ang Audience Choice Award for Full-length Film na Gulay Lang, Manong starring Cedrick Juan.
Mga Senador, paniwalang may basehan ang reklamo ni Sandro
Sa kabila ng denial, naniniwala pala ang mga senador na bumubuo sa Senate Committee on Public Information and Mass Media na may sapat na basehan para kasuhan ang dalawang inireklamo ni Sandro Muhlach sa pang-aabusong sekswal.
Ano kaya ang magiging ending ng kontrobersyang ito? Trending nga si Sandro kahapon dahil sa nasabing senate hearing na dinaluhan ng mga akusado na sina Jojo Nones at Richard ‘Dode’ Cruz.