Vivoree, dinaan sa kanta ang pagsubok at mga pangarap

Vivoree
STAR/ File

Inilunsad ng aktres at singer na si Vivoree ang bagong extended play (EP) na movie made for me na hango sa kanyang mga pangarap at kwento ng pag-ibig.

Ibinahagi ni Vivoree sa carrier track na movie made for me ang pagi­ging matatag sa gitna ng pagsubok at pag-abot sa kanyang mga pangarap. Isinulat ito ni Dana Balagtas at iprinodyus ni Ashley Aunor.

Tampok din sa EP na handog ng Star Music ang bagong awitin na IDLYLT at iba pang awitin tulad ng Matapang, Dalawang Isip, at Sayaw Ng Mga Tala na inilabas nitong nakaraang taon.

Nagsimula ang musical journey ni Vivoree nang inilabas niya ang unang single na Kaya Pa na isinulat niya noong 2016. Nakasama niya rin ang dating Hashtag member na si Charles Kieron para sa kanilang digital album na CK & Vivoree noong 2019 at inawit niya rin ang He’s Into Her soundtrack na Did I Let You Go kasama si Jon Guelas.

Unang nakilala si Vivoree bilang dating housemate sa Pinoy Big Brother: Lucky 7 noong 2016. Ipinamalas niya rin ang husay sa pag-arte nang bumida siya sa iba’t ibang serye tulad ng He’s Into Her, Can’t Buy Me Love, The Iron Heart, Tara, G! Naging bahagi rin siya ng Tabing Ilog Musical bilang Eds na magkakaroon ng re-run simula Nobyembre hanggang Disyembre.

Pakinggan ang bagong EP ni Vivoree na movie made for me na available sa iba’t ibang streaming platforms.

Show comments