Kahapon ay naihatid na sa kanyang huling hantungan si Lily Yu Monteverde. Ikinalungkot ng buong industriya ang pagpanaw ng Regal matriarch noong isang Linggo.
Lubos ang pakikiramay sa pamilya Monteverde ni Vilma Santos na maraming karanasan kay Mother Lily.
Maglilimang dekada na ang nakalilipas nang unang gumawa ng pelikula sa Regal Films si Ate Vi. Mula noon ay 14 na pelikula ang nagawa ng beteranang aktres sa bakuran ng naturang film production company. “I started 1979 ‘Pinay, American Style’ and my last movie with Mother was 2004, Mano Po. Si Mother ilang beses ko nang nakasama sa biyahe kasi gumawa po ako ng mga pelikula abroad. ‘Yung Pinay, American Style ginawa po namin sa US. Si Mother masarap hong kasama sa biyahe. Si Mother kapag nasa eroplano, bago pa mag-take-off, Hindi siya nahihiya sa ibang pasehero, nag-e-exercise. Do’n sa aisle ng eroplano, sige. ‘Mother, maupo ka.’ Sabi niya, ‘Hindi pa naman umaandar eh.’ Tapos, mauupo na siya. Kapag nag-take off na, tingin ako kay mother, chini-check ko siya, nakanganga, tulog na. Ang takaw sa tulog, hindi siya masarap kasama sa biyahe. Kasi tulugin, antukin. We shot the movie in San Francisco. Si Mother ay masarap kasama sa bahay. We didn’t stay in a hotel. We stayed in a house. So sila ni Manay Ichu (Maceda) ang nagluluto. That time hindi pa po uso ‘yung ‘Marites.’ Pero that time ‘Marites’ na sila. Lahat ng happenings sa showbiz habang nagbe-breakfast kami, nagkukuwentuhan silang dalawa.
“Nakasama ko rin si Mother pumunta ng Hong Kong. Mahilig mag-travel si Mother. Hindi kami nag-shoot sa Hong Kong. Gusto lang niya ipasyal si Keith (apo ni Mother Lily) at si Lucky (Manzano). ‘Yung anak ko at ‘yung kanyang apo, gustung-gusto niyang ipasyal. When we were in Hong Kong ‘yung dalawang bata laro nang laro sa lobby. Mother was enjoying them.
“Another one, no’ng nag-shooting po kami ng Mano Po sa Bangkok. Si Mother was very excited kasi ang ganda na ng visual. Tapos na kaming mag-shooting, kumain kami sa isang restaurant. Aba’y nagustuhan ‘yung costume ng waitress at gusto niya magsuot na rin kami ng gano’n. Para daw mag-pictorial na kami do’n sa restaurant. Alam n’yo po ba, kakain lang kami sa restaurant bigla kami nag-pictorial at pinasuot sa amin ‘yung costume ng mga waitress. Kasi ang ganda naman pero jusko, galit na galit ako kay Mother talaga. ‘Mother bakit naman ganito?’” natatawang pagbabahagi ni Vilma sa kanyang eulogy.
Ayon sa premyadong aktres ay sa Regal Films din niya naranasang humakot ng acting awards. “Karamihan po nang natanggap kong Best Actress award ay nanggaling po sa mga pelikulang ginawa ko kay Mother Lily under Regal Films. ‘Yung Relasyon where I got my grand slam. Production ni Mother where I did Sister Stella L dito rin po where I won Broken Marriage. Si Mother po ang nagbigay sa akin ng oportunidad para makagawa ng relevant and meaningful movies. And for that, I am very, very grateful kay Mother. Kasi do’n po ako na-hone at tinawag na aktres,” pagbabalik-tanaw ng Star for All Seasons.
Bago pasukin ang mundo ng pulitika noon ay kinonsulta pa muna ni Ate Vi si Mother Lily. Malaki ang pasasalamat ng aktres dahil sa tiwala at suportang ibinigay sa kanyang ng Regal Matriarch. “No’ng nahilingan po akong tumakbo bilang Mayor, dalawa po sila ni Manay Ichu (Maceda) na kinonsulta ko. Binigyan pa ako ng presscon ni Mother Lily no’ng kampanya. Basta sabi niya, ‘Bilib ako sa iyo and you do the work.’ Same thing with Manay Ichu. Every time mayroon akong magandang nagagawa, tumatawag sa akin, sumusulat sa akin, congratulating me. Now, they’re both gone, pagdating sa pagiging public servant, hindi ko sila ipinahiya. Sila rin ang nagbigay sa akin ng boost para ituloy ko ang trabaho ko. Every time pag-uusapan po ang pelikulang Pilipino, kapag hindi binanggit si Mother Lily, hindi kumpleto because Mother is an icon of our industry,” emosyonal na paglalahad ni Ate Vi. — Reports from JCC