Gustong magpakita ng bago ni Dennis Trillo kaya niya tinanggap ang papel na kontrabida sa teleseryeng Pulang Araw.
Matagal na aniya siya sa industriya at matindi ang kumpetisyon. “Pinili ko na ganitong role ‘yung mapunta sa akin dahil gusto ko po bawat role na ginagawa ko paiba-iba lalo na ‘yung sa mga huling nagawa ko period din sa Maria Clara at Ibarra at ngayon napunta ako rito, gusto ko hindi lang siya basta ordinaryo na Pilipino dahil baka makumpara doon sa previous ko na ginawa,” paliwanag niya.
“Kaya minabuti ko na maging ibang lahi na lang. Maging kontrabida na lang. At dahil syempre 20 years na rin ako sa industriya or more. Kailangan may bago ka lagi talagang ipinapakita at alam mo ‘yun, matindi ang labanan eh so kailangan lagi kang mag-effort may ipakitang bago ka. Para hindi magsawang panoorin ka ng mga tao,” aniya sa ginanap na solo presscon niya days ago.
Na aniya sa hirap ng role niya ay hindi siya nakipag-bonding kina Alden Richards, David Licauco, Sanya Lopez dahil sa kailangan niyang pag-aralang mabuti si Japanese Imperial Army Officer Col. Yuta Saitoh.
At hindi raw madali ang ginawa niya. Say ng Kapuso Drama King na bahagi ng paghahandang ginawa niya ay ang pag-aaral ng wikang Hapon.
Pero ba’t may mga line siya na Tagalog: “Nag-aral siya [Yuta Saitoh] sa Pilipinas. So, ‘yung mga accent niya siyempre iisipin mo hindi naman siya pwedeng straight mag-Tagalog, hindi naman siya pwedeng straight mag-English,” depensa niya.
Kaya naman nagpasalamat siya sa dalawang Filipino-Japanese actors na sina Ryo Nagatsuka and Kenji Ishiguro na gumanap na Japanese soldiers na tumulong at gumabay sa mga dialogue niya. “Ang daming Japanese line na kailangang memoryahin. Sa tulong nitong dalawang ‘to, si Ryo at Kenji, sila ang mga gumagabay kung tama ‘yong mga ginagawa naming mga linya roon,” dagdag ng mister ni Jennylyn Mercado sa ginanap na presscon.
Pero ang hindi nasagot ni Dennis during the presscon ay kung totoong hindi na Kapuso ang misis na hanggang ngayon ay hindi pa pumipirma ng kontrata ulit sa GMA 7.
Anyway, simula Agosto 21, mamarkahan ng multi-awarded actor ang kanyang unang paglabas bilang Col. Yuta Saitoh sa sinasabing pinakamahalagang serye ng GMA 7 ngayong 2024.