Malalim ang nilikhang sugat ng alitan ng mag-inang Angelica at Carlos Yulo. Ang sabi ng ama ni Carlos na si Mark Andrew Yulo, hindi raw pera ang dahilan ng away ng mag-ina, kundi ang girlfriend lang talaga. Pero ayaw ni Angelica na sabihin kung ano ang ayaw niya sa karelasyon ng anak.
Nagsalita na si Carlos, nagsalita na rin si Angelica at ‘yun na raw ang pinakahuli niyang pagsasalita.
Sinabi rin ng magulang ni Carlos na bukas ang pinto nila kung gusto nitong isama ang kanyang girlfriend na si Chloe San Jose, tatanggapin naman daw nila.
Pero “no comment” lang ang sagot ni Angelica nang tinanong ito sa nakaraan niyang presscon kung matatanggap na ba niya ang girlfriend ng kanyang anak at ano ang dapat nilang gawin para tanggapin ito ng kanilang pamilya.
Sabi lang ni Angelica, “Matatanda na sila. So, alam nila ang dapat nilang gawin. Hindi ko puwedeng sabihin, kasi siyempre ‘pag sinabi ko, gagawin nila for sure. So, gusto ko manggaling sa kanila mismo ‘yung initiative kung papaano sila lalapit.”
Pero meron na bang pagpapatawad para maayos na ang lahat, alang-alang sa tagumpay na dala ni Carlos sa pag-uwi ng Pilipinas? “Masyadong malalim kasi ‘yung pain. So, sa ngayon ‘yun ‘yung pinag-pray ko na mawala ‘yung pain, and afterwards siyempre ang kasunod na is pagpapatawad,” dagdag niyang pahayag.
Tinanong na rin namin kay Angelica kung ano talaga intention niya sa pag-post ng “Japan pa din talaga…lakas.” Kaibigan daw pala ito ng anak niyang si Eldrew na nag-training din ng Gymnastics sa Japan. “Naging ibang meaning sa mga tao. Kasi parang natuwa lang po ako. Nakasama po siya ni Eldrew sa Japan. Nasa training camp lang sila, ang sabi, he’s only 19 years old. Gusto ko lang ipaalam sa mga anak ko na gawin nilang motivation, para ma-boost din po ‘yung confidence nila.”
Wala raw ibang ibig sabihin ‘yun na parang patama kay Carlos. “Wala po talaga akong idea para bigyan ng malicious na ano ‘yung post ko,” sabi pa ni Angelica.
Pero wala rin siyang ipinost para kay Carlos, lalo na nung nakakuha ito ng dalawang gold. “Makikita n’yo naman sa timeline ko, sa Facebook account ko, matagal na po… even po sa last winnings niya, hindi na po ako nag-post. Sa Asian championships, wala po,” depensa pa niya.
Bibigyang parangal sa Senado!
Ngayong araw na ang huling lamay kay Mother Lily Monteverde sa Valencia Events Place sa Greenhills na araw-araw ay puno sa rami ng mga nakikiramay.
May eulogy pagkatapos ng misa, at halos iisa lang ang sinasabi nila kay Mother Lily, ang kakaibang pag-handle niya sa produksyon, kung gaano siya kaloka-loka sa mga alagang artista at production staff, pero mas lamang ang pagiging nanay niya sa lahat.
At bilang pagbibigay pugay sa naiambag ni Mother Lily sa movie industry, nagpasa ng resolution si Sen. Bong Revilla sa Senado ng pakikiramay sa pagpanaw ng itinuturing na haligi sa industriya.
Ilan sa mga senador na sumuporta sa resolution na ipinasa ni Sen. Bong ay sina Sens. Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Francis Tolentino, Koko Pimentel at Jinggoy Estrada.
Ani Sen. Bong, “Ang kanyang ‘di matatawarang kontribusyon sa pelikulang Pilipino ay laging magsisilbing inspirasyon at gabay sa marami pang henerasyon ng mga artista, direktor at lahat ng nasa likod ng industriya. Sa kanyang paglisan, mananatiling siyang yaman ng industriya. Walang makapagpupuno ng iniwan niyang ambag hindi lang sa mundo ng entertainment industry, kundi sa puwang ng aming mga puso.”
Sa Kongreso naman ay nag-file rin ng resolution ang Agimat Partylist representative Bryan Revilla, kasama sina Cong. Lani Mercado-Revilla at Cong. Jolo Revilla ng pagbibigay-pugay para kay Mother Lily.
Sa Sabado ng umaga ang libing kay Mother Lily sa Heri tage Memorial Park.