Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto muling makatrabaho ni Rufa Mae Quinto si Ai Ai delas Alas. Matatandaang gumanap bilang magkapatid ang dalawang aktres sa hit movie na Booba noong 2001. “Kapatid ko pa rin sa labas. Parang Booba kasi ginawa namin. Tapos may mga anak na kami, ‘di ba ang cute no’n? ‘Di ba parang ‘Tanging Ina’ tungkol sa pamilya tapos magkapatid kami,” nakangiting pahayag sa amin ni Rufa Mae sa Fast Talk with Boy Abunda.
Sumikat nang husto ang aktres dahil sa naturang pelikula mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas. Ayon kay Rufa Mae ay itinuloy niya ang istilo ng pagpapatawa para sa anak na si Athena. “Ang istilo ko kasi, una kapag natawa ako. Pangalawa, ayaw ko ng masyadong bastos kasi babae din ako. So parang ayaw ko naman na bastusin na lang ako nang gano’n. ‘Yung anak ko nga rin, kaya tinutuloy ko ang comedy ko. Sabi ko, seven years old, gusto ko lumaki sila na, ‘yung batch niya na may cute na, ‘Go! Go! Go! Todo na ‘to!’’’ giit niya.
Hindi alam ng nakararami na magaling din bilang isang dramatic actress si Rufa Mae. “Actually, no’ng nanganak na ako, naging mother. Saka namatay ‘yung nanay ko, ‘yung talagang namatayan na ako. Pero before hindi talaga ako naiiyak. Kasi parang sobrang heavy na ng buhay ko, parang wala ng space matawa. Pero no’ng tumanda na ako, sabi ko, kailangang mag-drama na ako kasi na-bore na rin ako sa sarili ko. Kaya sabi ko galingan ko na din, nang iba naman,” pagbabahagi ng aktres.
Mula nang mag-asawa at magkaroon ng sariling pamilya ay sa Amerika na nanirahan si Rufa Mae. Bumalik lamang umano ang aktres sa bansa dahil na rin sa trabaho. “Ang daming offers, tapos parang ilang years na rin naman ako do’n eh. Parang napapagod na rin akong magbiyahe nang magbiyahe. Saka i-try din naman namin dito dahil may bahay pa naman ako dito, may property, tapos may career. Sabi ko sino magmamana niyan anak, eh di ikaw din. So sabi ko sana makita rin ng anak ko ang buhay ko dito. Kasi hindi niya alam eh (na artista ako). Doon, wala, parang normal lang kami. So ngayon, naging mabuting bata naman siya, simple, mas maganda na ngayon na niya nalalaman,” paliwanag ng komedyana.
Samantala, sa Amerika nakabase ngayon ang asawa ng aktres na si Trevor Magallanes. Ayon kay Rufa Mae ay nakararamdam siya ng takot dahil sa mga kaganapan sa paligid. “Communication, mahirap din, parang ipagpi-pray mo na lang. Natatakot ako, nagpi-pray lang ako. Wala na akong magagawa kung ano ang gusto Niyang mangyari sa buhay ko. Ipagpasa-Diyos na lang talaga eh. ‘Di ba ang daming nangyayari ngayon, ang daming namamatay, baha. Ang hirap na magplano masyado, baka mamaya wala ng eroplano. So, para sa akin, basta mag-ready ako. Gawin ko kung ano ang dapat kong gawin. Focus kung saan dapat mag-focus, pero huwag na mag-worry kung saan-saan,” makahulugang paglalahad ng aktres. — Reports from JCC