Masayang-masaya si Kim Domingo dahil natupad na ang pinapangarap lamang noon na mapabilang sa FPJ’s Batang Quiapo. Napapanood tuwing gabi ang aktres bilang si Madonna sa seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin. “Si Madonna maangas, babaeng delikado pero mayroon siyang puso. Actually, dream ko talaga na mapasama sa Batang Quiapo and unexpected ito. ‘Yung nangyari na mapasama ako rito. Very grateful ako and pagbubutihan ko pa,” pagbabahagi ni Kim.
Bilang pinakabagong aktres sa serye ay maraming mga payo si Coco kay Kim. Bukod sa pagiging pangunahing bida ay si Coco rin ang tumatayong direktor ng programa. “Ang gusto lang ni direk ‘yung training. Masikap ka mag-training dahil maraming mga fight scenes. Basta sabi niya, ‘Pagbutihan mo lang, galingan mo lang palagi. Ilagay mo sa puso ‘yung character mo. Ayun ‘yung advice niya sa akin. Ako naman talaga sinusunod ko rin iyon. Ako rin magdadala noon so kailangan talaga ibigay natin ‘yung best natin,” paglalahad ng dalaga.
Angelu, aprubado ni Mayor Vico ang ginawa
Gabi-gabi nang napapanood sa GMA Network ang Pulang Araw na pinagbibidahan nina Alden Richards, Sanya Lopez, David Licauco at Barbie Forteza. Kabilang din sa naturang serye ng Kapuso network si Angelu de Leon. Kinailangan pa umanong magpaalam ng aktres kay Mayor Vico Sotto para magawa ang bagong proyekto. Nagsisilbi ngayon bilang konsehal sa ikalawang distrito ng Pasig City si Angelu. “Yes, para mabalanse. Kasi may mga taping days na kailangan doon. In respect din sa trabaho ko ngayon bilang konsehal ng Pasig. Kailangang magpaalam para hindi siya lagi naghahanap, ‘Nasaan si Angelu? Bakit palaging wala?’” natatawang pahayag sa amin ni Angelu sa Fast Talk with Boy Abunda.
Para sa aktres ay talagang maganda ang tema ng kanilang programa. Hinihikayat ni Angelu ang bawat Pinoy na sariwaing muli ang mga dinanas ng ating mga ninuno noong panahon ng digmaan. “It’s high time for us to be proud to be Filipinos. Kasi hindi madali ang pinagdaanan ng mga ninuno natin. And we have to pay tribute to them, even the unsung heroes. Kasi ‘yon ‘yung hindi natin nalalaman ‘yung kwento pero malaki ‘yung ambag nila sa kalayaan natin ngayon. Kaya itong Pulang Araw talagang tribute siya maging, ‘Hey! Filipino ako!’” paliwanag ng konsehal ng Pasig.
Kamakailan ay napabalitang ayaw diumanong makatrabaho ni Claudine Barretto si Angelu. Matatandaang nagkasama ang dalawang aktres sa Ang TV noong dekada nobenta. Hanggang ngayon ay hindi pa raw nakapag-uusap sina Angelu at Claudine upang magkaayos. (Reports from JCC)