Ang dami na namang naganap ngayon sa showbiz na tiyak na susubaybayan ngayong linggo.
Hindi pa tapos itong isyu ni Sandro Muhlach, marami pang kuwento kaming nasagap. Pero ang iba ay ipinangako naming huwag nang isulat.
Nasa NBI na ang reklamo pero hindi pa pormal na isinampa ang kaso.
Kapag magsimula nang gumulong ang pagdinig ng kaso, doon na natin malalaman ang iba’t-ibang bersyon ng kuwento.
Kung makukuha natin ang panig ng dalawang kampo, doon natin matitimbang kung ano talaga ang totoong nangyari.
Sa ngayon ay ang nakukuha nating kuwento ay mula sa kampo ni Sandro, wala pang may nagsasalita sa panig nina Jojo Nones at Richard Cruz.
May ilang kuwento kaming nasagap na nagmula naman sa kampo nina Nones at Cruz, pero nangako akong huwag munang isulat dahil mas mabuting sa imbestigasyon o sa korte na lang ito lalabas.
Ang legal counsel nilang si Atty. Maggie Abraham-Garduque ang nagsasalita para sa dalawang independent contractors, pero mga legal na aspeto lang ang puwede niyang sabihin.
Kakausapin pa niyang mabuti ang dalawa, dahil may mga ilan pang hindi ganun kalinaw kay Atty. Maggie.
Tinanong nga niya sa akin kung totoong may order bang suspended na talaga sina Nones at Cruz. Kasi sa pagkakaalam niya ay wala pang order mula sa taas.
Pero sa ngayon ay wala silang trabaho dahil sa iniimbestigahan na ito, kaya tila suspension na rin ang dating nito.
Tiyak namang hindi sila makapagtrabaho nang maayos sa takbo ng mga pangyayari.
Samantala, naglabasan na ang ibang kuwentong pangmomolestiya diumano sa ilang baguhang artista, pero pawang haka-haka pa lamang ‘yun.
Meron akong isang nameless pang artista na nakausap ko na inamin niyang may ganung nangyari sa kanya na ginawa ng isang independent contractor, pero ayaw na niyang mag-ingay.
Sinarili na lang niya at pinipilit niyang mag-move on.
May trabaho naman siya ngayon ay umookay naman ang kanyang career.
Pero ang maganda lang na nagawa ng kasong ito nina Sandro Muhlach ay lalong nag-iingat na ngayon ang mga nasa production staff.
Ang leksyon nilang natutunan dito ay hindi na sila makipag-close sa mga artista, lalo na sa mga baguhan. ‘Yun na!
Madramang kuwento ng buhay ni Carlos Yulo, pinag-interesan!
Ang bagong dramang susubaybayan natin ngayon ay ang kuwento ng bagong Olympics gold medalist na si Carlos Yulo.
Ang galing ng netizens na nakukuha nila ang panibagong anggulo ng kuwento ni Yulo sa kanyang ina.
Marami ang nag-react sa FB post ng kanyang inang si Angelica Poquiz Yulo na mas nag-cheer pa ito sa pambato ng Japan kesa sa kanyang anak.
Hindi kami aware sa tunay na kuwento ni Carlos Yulo, pero tila mas alam at nasubaybayan ng ilang netizens na sinabi nilang inabandona raw ang magaling na gymnast ng kanyang ina.
May isang netizen pang nag-post na itong pagkasungkit ni Carlos ng gold sa Paris Olympics ay tila sampal daw sa kanyang ina na mas sinusuportahan pa raw ang isang anak nitong isa ring gymnast na si Elaiza Yulo.
Nagsisimula na ring gumagawa ng pangalan itong si Elaiza Yulo sa larangan ng gymnastics.
Sa ngayon ay mas mabuting pag-usapan muna ang tagumpay na dala ni Carlos para sa bansang Pilipinas, kesa sa madramang kuwento ng kanyang buhay.
Pero interesting itong kuwento ni Carlos Yulo kung totoo man itong sinasabi ng ilang netizens laban sa kanyang ina.
Balak kayang ipag-produce ng pelikula ni Sylvia Sanchez itong kuwento ni Carlos Yulo?
Nag-text kami kay Sylvia dahil talagang tinutukan nito sa Paris ang laban ng mga atleta natin sa Paris Olympics. Pero hindi pa siya nakasagot sa ipinadala naming mensahe.