Arnold Clavio, hinamong magsalita ang ibang napagsamantalahan

MANILA, Philippines — Kahit si Arnold Clavio ay galit sa mga nagaganap na harassment sa showbiz.
Aniya sa post sa Tilmasik ni Igan : “If you see harassment happening, speak up. Being harassed is terrible; having bystanders pretend they don’t notice is infinitely worse,” na kino-quote niya si Celeste Ng.
“Sa Industriya ng Showbiz sa Pilipinas, marami na ang nababalitaan ng ‘sexual harassment’ lalo na sa mga nagnanais maging artista .
“Ang pagpayag sa pabor o gusto ng isang may kapangyarihan para sa isang baguhan ang pinakamadaling paraan na makamit ang kanyang pangarap . Kalimitan dito ay sekswal na pang-aabuso , sa babae man o sa lalaki .
“Tali ang kamay ng mga biktima na tumanggi sa paniwalang di sila magtatagumpay sa piniling career. Kaya karamihan , masakit man sa kalooban , ay maituturing na willing victim o sumasang-ayon na lang,” patula niyang sabi.
“Pero may isa pang problema ang tila pagtanggap sa maling kalakarang ito. Pinipili ng ilan na manahimik dahil ayaw na mapahiya , sa kanyang pamilya o sa publiko.
“Sa ganitong situwasyon ,ang predator ang may koneksyon o may protektor , para hindi magtagumpay ang anumang reklamo .
“Kailangan na itong matigil !!! “Kailangan na ang isang malaganap na kampanya para sa kamalayan laban sa sexual abuse , sexual harassment at maging sa kultura ng panggagahasa .
“Ipakita dapat ng buong industriya ang suporta kung saan ipinapahayag ng mga biktima ang kanilang mga karanasan sa sekswal na pang-aabuso .
“Ang suportang ito ang magbibigay ng kapangyarihan sa mga nakaranas ng sekswal ba pag-atake sa pamamagitan ng pakikiramay at , pagkakaisa at makita na ito ay isang malalang problema at hindi paisa-isang kaso lamang .
“Kung ang lahat ng biktima ay magkakaisa tiyak na kikilos ang buong industriya para ito ay wakasan:
“Para sa mga naging biktima , hindi ka nag-iisa at hindi ka dapat mahiya .
“Para sa nakararanas ng ganitong mapait na situwasyon , may karapatan kang tumanggi nang pag-aalinlangan o takot sa iyong magiging kinabukasan .
“At tayong lahat ay may responsabilidad para ito ay matigil na. Lumantad , lumabas, mag-ingay ang sinuman sa atin na nakasaksi o may nalalaman na naganap na sekswal na pang-aabuso o panggigipit,” paghamon pa niya.
Ito ang unang pagkakataon na may lumabas na sila ay diumano’y napagsamantalahan habang wala diumano sa sarili.
- Latest