Kara Docs, nadiskubre ang sitio lowbatt

Kara David

Bawat numero ay may natatagong kuwento.

Ngayong Lunes (Hulyo 29), mapapanood na on-air at online ang first digital documentary program mula sa award-winning group ng GMA Public Affairs – ang Kara Docs, kasama ang beterano at premyadong dokumentarista na si Kara David.

Bibigyang-mukha ng Kara Docs ang mga makabuluhang istatistika ukol sa mga isyung panlipunan sa pamamagitan ng mismong pakikisalamuha ni Kara sa mga tao at komunidad na sangkot sa usapin. Ito ay koleksyon ng mga maiikling dokumentaryo, na naglalayong magbigay-liwanag sa mga napapanahong isyu ngayon. Ipapasilip ang ilang tagpo rito sa Unang Hirit habang ang buong episode nito ay ia-upload sa YouTube channel ng GMA Public Affairs sa ganap na ika-5 p.m.

Kilala si Kara sa kanyang mga dokumentaryong nakakaapekto at nakapagpapabago ng buhay.

Para sa unang pagtatanghal ng Kara Docs, magtutungo si Kara sa Sitio Iligan kung saan ang mga residente rito, wala pa ring kuryente.

Sa kabila ng makabagong teknolohiya, may ilang lugar pa rin sa bansa na kailangan pang maglakad sa mabato at maputik na bundok at sumakay ng bangka para lang makapag-charge ng kanilang mga cellphone.

Si July na isang katutubong Dumagat ang madalas maatasang mangolekta ng mga cellphone sa kanilang komunidad sa Sitio Iligan para maki-charge sa ibaba ng bundok.

Kahit maputik ang daan pababa at kakailanganin pang sumakay ng bangka at motorsiklo, sinisikap ni July na magampanan ang kanyang tungkulin sa kanilang sitio. Nakiki-charge sila sa isang bahay sa kabilang barangay na ang kuryente ay binabayaran ng gobyerno.

Ang bagong panganak namang si Anne, hindi rin hinahayaang ma-lowbatt ang kanyang cellphone at powerbank. Ito raw kasi ang nagsisilbi niyang ilaw sa mga gabing siya ay nagbabantay sa kanyang anak. Nakaabang din siya sa mahahagip na signal at sa tawag ng kanyang asawang nagtatrabaho sa malayong lugar.

Bakit nga ba wala pa ring kuryente sa Sitio Iligan?

Iyan ang tatalakayin ni Kara David sa Sitio Lowbatt,  ang unang pagtatanghal ng Kara Docs ngayong Lunes, July 29. Mapapanood ang ilang tagpo nito sa Unang Hirit habang ang full episode nito ay mapapanood sa hapon, 5 p.m., sa GMA Public Affairs Youtube Channel.

Show comments