Excited sa Paris Olympics 2024 ay si Sylvia Sanchez.
Matagal na siyang nagpa-book kasama ang asawa niyang si Art Atayde at mga anak, para mapanood nila ang events ng Olympics.
Pinag-ipunan daw niya ‘yun para ma-experience niya at ng buong pamilya.
Sa pagkakaalam ko, hindi lang nakasama ang mag-asawang Ria Atayde at Zanjoe Marudo dahil malapit nang manganak si Ria.
Pero bonding na rin daw nila ito ng kanyang asawa.
Ipinost ni Sylvia sa kanyang Instagram account na nanood sa opening ng Paris Olympics 2024. “Proud to be a part of this historic moment. Paris Olympics 2024. Laban Pilipinas!!!” nasa caption nito.
Huling nakita namin si Sylvia ay sa launching ng 50th Metro Manila Film Festival kasama si direk Richard Somes.
Ang alam ko isinumite nila ang pelikulang Topakk ni Cong. Arjo Atayde, pero ewan ko kung makakapasok ito sa finished films, dahil napaka-violent daw ng pelikula.
Sabi naman ni Sylvia, gusto lang daw muna niyang mag-observe sa MMFF, dahil mas naka-focus siya ngayon sa movie production.
Thankful siya dahil supportive ang asawa niyang si Art Atayde na siyang may hawak daw ng finances. Maganda raw ang tandem nila sa production nila ng Nathan Studios.
“Maganda ‘yung tandem naming mag-asawa e. Ako, lakas ng loob, diskarte. Siya naman, parang ‘uy bayad ka na!’ Saka ‘yung numbers, ako ‘yung ‘tingnan ko ‘to, kunin natin ‘to, kausapin mo na ‘yun tungkol sa pera. Kausapin mo na kung ano ‘yung mangyayari.’ Kasi negosyante e. magaling sa numero, so siya ‘yun. Maganda ‘yung tandem naming dalawa,” pakli ni Sylvia nung huli naming nakatsikahan.
Isa sa pinaghahandaan nila ang post production ay ang Moonglow na collaboration naman nina Cong. Arjo at kilalang filmmaker sa America na si Isabel Sandoval.
Baka isusumite raw muna nila ito sa Cannes International Film Festival o sa ibang international filmfests bago magkaroon ng theatrical release sa Maynila.
Pelikulang Pinoy, hanggang streaming na lang
Ang laki pala ng kinita ng Hollywood film na Deadpool and Wolverine na nagbukas noong nakaraang Miyerkules habang humahagupit ang bagyong Carina.
Isipin mo, takot lumabas ang mga tao dahil sa baha ang mga dadaanan pero napuno pa rin pala ang sinehan.
Nung araw na ‘yun na first day of showing ng naturang pelikula, naka-P24.5M pa ito.
Dito ipinakita na kapag gusto ng mga tao ang isang pelikula gagastos sila sa ticket.
Karamihan pa pala sa mga sinehan ay nagsara na ng 6 ng gabi, pero ang laki na ng kinita.
As of Friday, naka-P80M na ito at ang tantiya ng ilang bookers baka halos P160M na raw ang kita nito, at lalo pang dumami ang mga sinehan.
Kaya nawalan na ng sinehan sa SM Cinemas ang nag-iisang local film na nag-showing nung araw na ‘yun, ang Sagrada Luna na pinagbidahan ng Vivamax stars na sina sina Alexa Ocampo, Michaela Raz, Rash Flores kasama si Jeffrey Santos.
Kasabay rin nito ang isang horror film na All My Friends Are Dead, pero hataw sa takilya itong Deadpool and Wolverine.
Kaya lalong naging kawawa ang mga local films natin na sa Netflix at ibang streaming service na lang napapanood at doon na sila nag-trending.
Sa susunod na linggo ay mag-streaming na sa Netflix ang When I Met You In Tokyo, ang Men Are From QC, Women Are From Alabang at kaabang-abang itong drama film nina Joel Torre at Euwenn Mikhael na Lolo and The Kid.
Ang pelikulang Moro ni direk Brillante Mendoza ay nasa top 10 trending na ngayon, pero wala pa ang 12 Weeks ni Max Eigenmann na kasabay nag-streaming ang Moro.
Samantala, nag-advance streaming na sa Netflix noong Biyernes ang Pulang Araw ng GMA 7 nina Alden Richards, Barbie Forteza, Sanya Lopez at David Licauco.
Madrama na ang kuwento at kitang-kita sa pilot episode nito na talagang malaki ang production cost.