Kagabi ay nagtapos na ang Black Rider na pinagbidahan ni Ruru Madrid. Masaya ang aktor dahil sa suportang ibinigay ng mga manonood sa naturang serye ng GMA Network. “Lumipas man po ang siyam na buwan, pero nakita namin ang inyong pagmamahal sa aming lahat. I’m just very happy na na-survive po namin ang isang buong taon ng pagte-taping. Maraming mga pinagdaaang pagsubok pero kinaya po naming lahat. Ito po ang pinakamahaba kong ginawang serye,” nakangiting pahayag sa amin ni Ruru sa Fast Talk with Boy Abunda.
“I realized that it’s so hard na gumawa ng isang action serye. Napakahirap pong mag-mount nito. But kakayanin po natin ‘to kung ang lahat ay very collaborative,” dagdag ng Kapuso actor.
Taong 2012 nang maging finalist si Ruru sa Protégé: The Battle For The Big Artista Break kung saan naging mentor si Phillip Salvador. Hinding-hindi raw makalilimutan ni Ruru ang pagsampal sa kanya ng action star noong nagsisimula pa lamang sa show business. “Well, dito mismo sa studio na ito. Dito niya ako unang beses sinampal. Sinampal dahil nag-o-audition ako, tapos siguro hindi ko makuha ‘yung eksena. It was the very first time. Totoo, hindi siguro lumalabas ‘yung emosyon ko. Ang monologue is pinabasa sa akin tungkol sa tatay na naglalasing. Bigla ko siyang kinun-front and siguro hindi niya maramdaman. Sabi niya, ‘Isipin mo ako ang tatay mo.’ Tumayo siya, lumapit siya sa akin. Pagsabi ko ng, ‘Alam mo ‘tay...’ bang! Pagsampal niya sa aking gano’n, siyempre first time eh. Hindi ko alam kung anong ang ire-react ko. Ang ginawa ko, Tito Boy, tinuloy ko ‘yung eksena. Sabi ko, ‘Kita mo, sinampal mo ako. Bakit mo ako ginaganito?’ Tapos umiiyak na ako. Tapos sabi niya, ‘Good! ‘Yan ‘yung hinahanap ko sa iyo,’” natatawang kwento ng binata.
Ngayon ay muling nagkatrabaho sina Ruru at Phillip sa nagwakas na serye. Maraming bagay umano ang natutunan ng binata sa trabaho mula sa beteranong aktor. “Sinasabi kasi ni Tatay Ipe, para magmukhang palagi kang nasa moment, or palagi kang nasa eksena, dapat lagi raw nakabuka ‘yung bibig at humihinga ka sa mouth. Kunyari may kalaban ka, tututok sa iyo ‘yung kamerang ganyan, ‘haaah, haaah…’ ‘yon daw ang action. So kahit pictorial lang Tito Boy, ganyan dapat para ramdam na ramdam mo. Ayaw niyang nakasarado ‘yung bibig mo,” pagbabahagi niya.
Bago pa magtapos ang Black Rider ay nakatanggap umano si Ruru ng magandang balita. Isang pelikula ang nakatakdang gawin ng aktor. “Biglang may magandang balitang bumulaga sa akin. Sinabi magkakaroon po ako ng MMFF film with Dennis Trillo. It’s an honor na makatrabaho ko muli si kuya Dennis sa isang pelikula. Isang pangarap na naman po ang natupad. Makakagawa na naman ako ng MMFF this year. Actually, last year Tito Boy, feeling ko na-manifest. I was watching Firefly (Metro Manila Film Festival 2023 entry) at sinabi ko sa sarili ko na, ‘Feeling ko next year (makakagawa ng MMFF project), naramdaman ko. Alam ko next year meron akong MMFF.’ Feeling ko na-manifest siya,” paglalahad ng aktor. (Reports from JCC)