Kamakailan ay nailunsad na ni Inigo Pascual ang mga kanta mula sa kanyang Heartbreak Trilogy. Ayon sa singer-actor ay ibang-iba ang tema ng kanyang bagong naisulat na mga kanta. “Starting this new chapter in my career, bagung-bago. I mean, this is different from what I usually do, very different from ‘Dahil Sa ‘Yo.’ I want to introduce you guys to the Heartbreak Trilogy,” bungad ni Inigo sa ABS-CBN News.
Isinulat ng binata ang mga kanta habang ginagawa ang Hollywood series na Monarch noong 2022.
Hindi raw sinasadya ni Inigo na gawing trilogy ang mga komposisyon. “I really wanted to make Tagalog songs after my previous albums na puro English. Sabi ko I wanted to release something Tagalog. These three songs, hindi siya planado na maging trilogy. I wrote it and talagang sad music, heartbreak lang talaga ‘yung lumababas sa mga nasusulat ko. When we listen to the songs, when we sit down to it, doon namin na-realize na para siyang phases of heartbreak. I think my experience with these three songs, I was actually in a good space. I was in a good headspace and then I created these songs. I just happened to be in that creative space and I wrote these songs in two days. I was happy when I wrote these three songs. Don’t get me wrong, I know it’s a heartbreak trilogy but let’s just say na may mga bagay na pagdadaanan mo, may mga bagay din na maririnig mo, and it all comes together, and somehow you will be able to create these songs,” pagdedetalye ng singer-actor.
Para kay Inigo ay hindi lamang tungkol sa pagiging bigo sa pag-ibig ang mga bagong kanta. Sinisiguro ng binata na makare-relate ang bawat makakapakinig ng Basta’t Alam Kong Tayo, Kahit Di Mo Ko Nakikita at Okay Lang Ako. “In a lot of aspects, I feel like a lot of people can relate to these, not necessarily in a romantic way. Ang daming bagay na pinagdadaanan, challenges, all the things you can go in life. There are people out there that need to hear the songs. Para sa mga taong kailangan itong mga kantang ito. Sana magustuhan n’yo and mahanap n’yo ‘yung peace and healing,” pagtatapos ng binata.
Jennylyn, tututukan ang pagprodyus
Hindi pa pumipirma ng bagong kontrata si Jennylyn Mercado sa GMA Network. Sa ngayon ay isang freelance artist muna ang aktres.
May bulung-bulungan na posibleng lumipat na ang aktres sa ibang TV network. “Wala po, wala pong offer ang ibang network,” pagtatapat niya.
Kamakailan ay opisyal nang naipakilala sa publiko ang production company na pag-aari nina Jennylyn at Dennis Trillo na Brightburn Entertainment. Bilang mga producer ay layunin ng mag-asawa na makagawa ng maraming makabuluhang pelikula na maaaring maipalabas sa mga sinehan at sa iba’t ibang streaming platforms. — Reports from JCC