Posibleng sumabak na sa pulitika si Luis Manzano. Pwede na raw tumakbo ang TV host sa halalan kung mabibigyan ng pagkakataon. “Kung sakaling bumukas na ang pinto na ‘yan, mas iko-consider ko na. Mas iko-consider ko nang tumakbo. Ngayon it’s more of pwede, tingnan natin kung saan tayo dalhin,” bungad ni Luis sa On Cue ng ABS-CBN.
Ayon sa aktor ay maraming kumakausap sa kanya sa mga nakalipas na taon upang subukan ang pagiging pulitiko. Pamilyar naman si Luis kung paano maglingkod dahil na rin sa inang si Vilma Santos na mahigit dalawang dekadang naglingkod sa Batangas. “Naalala ko I would go to Batangas for different events. May mga sektor na kumakausap sa akin. May grupo ng mga guro, may grupo ng mga pari, may grupo ng mga madre, mga negosyante, asking if I could run. Nakikita ko ‘yung tiwala na handa nilang ibigay sa akin kung saka-sakali na tahakin ko nga ang mundo ng public service. ‘Yung time na ‘yon hindi pa ako handa. Bawat punta ko sa Batangas meron akong nakakausap, kahit sa ABS-CBN,” kwento niya.
Naging emosyonal daw ang asawang si Jessy Mendiola nang kausapin ni Luis tungkol sa planong pagpasok sa mundo ng politika. “’Di pa rin niya ma-imagine actually. We had a talk ‘coz I am not getting any younger din naman. If ever I do enter politics, parang ngayon pa lang alam ko na, parang ngayon pa lang if I have your go signal or if medyo alanganin ka. So medyo umiyak siya kasi ibang-ibang mundo ‘yan. Ibang-ibang mundo ang serbisyo. As much as you want to believe kasi na serbisyo ang intensyon mo. Hindi pa rin mawawala ang pulitika. You wanna believe na rainbows and butterflies ang public service, hindi. Meron at merong susundot na pulitika diyan. So sabi ko kung saka-sakali man, at least I know na okay sa ‘yo,” pagbabahagi ng TV host.
Sue, ‘di nagmamadaling maging misis
Maglilimang taon nang magkasintahan sina Sue Ramirez at Javi Benitez. Abala sa kanya-kanyang trabaho ang dalawa kaya hindi pa raw nagpaplanong magpakasal. “I think we’re on that level of safe na kami sa isa’t isa. Hindi pa namin iniisip. Ako actually dati, nagmamadali ako. Gusto ko na talagang magkaroon ng asawa. ‘Pag bata ka talaga gano’n pala. ‘Pag 25 or 26 ka na, do’n mo naiisip na sandali, ang bata ko pa pala ‘no? I-consider mo na rin na ang haba pa ng tatakbuhin ng buhay mo. Hindi mo kailangang magmadali,” makahulugang pahayag ni Sue.
Para sa aktres ay kailangan muna nilang i-enjoy ng binata ang kanya-kanyang buhay bilang single. Makatutulong umano ito upang mas makilala pa ang isa’t isa. “Iba ‘yung fun na ini-enjoy n’yo rin muna ‘yung isa’t isa. You are both able to explore together apart. May individuality, kasi ‘pag magpapakasal kayo, isa na kayo no’n eh. Hindi pa yata kami ready maging isa. Marami pa kaming gustong kailangang gawin na bagay,” giit ng dalaga. (Reports from JCC)