Unang nakilala si Michele Gumabao bilang isang volleyball player mahigit isang dekada na ang nakalilipas. Nanalo bilang Binibining Pilipinas Globe noong 2018 kaya kinatawan ng bansa sa Miss Globe 2018. Nasungkit ni Michele sa naturang international beauty pageant ang Miss Social Media at Dream Girl awards. Taong 2020 naman nang sumabak ang beauty queen sa Miss Universe Philippines at nagtapos bilang 2nd runner up.
Ngayon ay nagpaplano na si Michele na sumabak sa pag-arte sa harap ng kamera. Nasubukan na rin ng beauty queen at athlete ang pagiging TV host sa mga nakalipas na taon. “Gusto ko siya ma-try. Wala pa akong experience with acting. Pero ‘yung hosting, in the past two years, I’ve been hosting for both TV and for events. So ‘yon po talaga ‘yung comfortable ako as of now. Pero in terms of acting, gusto ko po siya matutunan at ma-experience din,” nakangiting pahayag ni Michele.
Matatandaang naging Housemate ng Pinoy Big Brother noong 2014 si Michele. Ayon sa nakatatandang kapatid ni Marco Gumabao ay talagang nakasuporta palagi ang pamilya sa lahat ng kanyang mga ginagawa. “Sa family naman namin, very supportive kami sa isa’t isa. I’ve seen show business give Marco opportunities since he was in high school noong nag-umpisa siya. And sana kung papalarin magawa rin natin ‘yon,” giit ng athlete-beauty queen.
Kahit nagbabalak nang maging isang artista ay hindi pa rin tatalikuran ni Michele ang paglalaro ng volleyball. “Hindi naman siguro goodbye sa volleyball. Noong nakaraan na sumali ako sa PBB, kakaumpisa pa lang din ng professional volleyball. Since kakaumpisa ko lang din, I think na kung saan ako nag-umpisa, ‘yon ang kailangan ko i-prioritize. I want to see kung gaano kalayo ang mararating ng volleyball. Right now, I’ve been playing in the professional league for 10 years,” pagbabahagi ng dalaga.
Baron, binigyan ni Piolo ng himala
Simuna ngayong Biyernes ay mapapanood na sa Netflix ang pelikulang Moro na pinagbibidahan nina Piolo Pascual at Baron Geisler. Apat na taon na ang nakalilipas nang simulang gawin ni Baron ang naturang pelikula. “We shot this no’ng 2019. This is my first big break in Philippines cinema. Ito ‘yung first big role ko no’ng 2019, no’ng galing akong preso at rehab. I prayed for a miracle. After a few months of fervently praying, God answered it with a call from direk Brillante Mendoza. Sabi niya, ‘Oh Baron, may gagawin tayong pelikula magkapatid kayo ni Piolo, pag-aralan mo ‘to. Sabi ko, ‘Sige po direk,” kwento ni Baron sa ABS-CBN News.
Kinailangan pa umanong manirahang pansamantala sa Mindanao ng aktor upang pag-aralan ang tema at istorya ng pelikula. “Two months ako nag-immerse. Pumunta ako ng Davao, nag-enjoy ako sa Davao. Tapos no’ng nasa Davao na ako to memorize ko ‘yung ibang lines, tumawag, ‘Oh, Baron ikaw na ‘yung gagawa ng kay Piolo. He’s so busy daw hindi niya magagawa. Ikaw na muna bida dito ha!’ Sabi ko, ‘Talaga po? Na-memorize ko na po eh,’ ‘Hindi, i-memorize mo ‘yung Piolo,’” pagdedetalye niya.
Lubos ang pasasalamat ni Baron dahil sa pagtitiwala ni Piolo sa kanyang kakayahan. Hinding-hindi makalilimutan ng aktor ang unang araw na nakita si Piolo sa set ng pelikula. “So dumating kami sa set. Nagkita kami ni Mr. Piolo Pascual and you know, I can’t thank you enough. I’m so grateful bro to be part of this film. And pinagbigyan mo ako na magka-break sa industriya. And after that nagsimula na akong kunin sa mga bigger projects. So, thank you so much and to direk Brillante also,” pagtatapos ng aktor. — Reports from JCC