Gaganapin mula Aug. 2 hanggang 11 ang Cinemalaya Film Festival 2024. Isa sa mga pelikulang kalahok sa naturang festival ay ang Balota na pinagbibidahan ni Marian Rivera. Paara sa asawa ng aktres na si Dingdong Dantes ay talagang kakaibang Marian ang matutunghayan ng mga tagahanga sa bagong proyekto. “Hindi ko pa napapanood ang full movie pero based sa pictures at short clips na pinakita niya, alam kong magiging kakaibang Marian,” nakangiting pahayag ni Dingdong.
Nararamdaman umano ng aktor ang dedikasyon ni Marian para sa bagong pelikula. Si Kip Oebenda ang direktor ng aktres sa Balota. “I’m also a fan of my wife’s work at isa sa inaabangan ko sa kanya ay ‘yung makakita ako ng kakaibang portrayal mula sa kanya dahil nakikita natin talaga ang transformation. Pero ang mahalaga sa akin, ‘yung feeling na kinukwento niya sa akin kapag umuuwi siya. And as an artist, she feels very fulfilled,” paglalahad ng aktor.
Samantala, magdiriwang si Marian ng kanyang ika-apatnapung kaarawan sa Aug. 12.
Ayon kay Dingdong ay pinagpaplanuhan na rin kung paano ang gagawing selebrasyon lalo pa’t mapapasabay ito sa naturang filmfest. “Dahil mahalaga ang festival na ito, doon iikot sa festival na ‘yon ang mga birthday plans,” pagbabahagi ng Kapuso actor.
Elijah, deserve ang parusa
Kamakailan ay namatay na ang karakter ni Elijah Canlas bilang si Pablo sa FPJ’s Batang Quiapo. Para sa aktor ay nararapat lamang na wakasan na ang mga ginagawang kasamaan ng kanyang karakter. “Nakuha na naman ni Pablo ‘yung deserve niya na parusa and that’s death. So he just died recently for all the mistakes that he has done. Ako naman bilang aktor naniniwala rin ako na deserve din ‘yon ng karakter na ginawa ko,” nakangiting pahayag ni Elijah sa www.push.tv.
Lubos ang pasasalamat ng binata dahil nabigyan ng pagkakataong makaeksena ang ilan sa mga mga pinakamagaling na artista sa bansa. “I’m still happy and grateful na ang dami ko pa ring nakaeksena. Nakaeksena ko si Ma’am Charo (Santos). Nakaeksena ko si Tita Irma (Adlawan), mga idol ‘yung mga ‘yan eh,” giit ng aktor.
Isang malaking karangalan din para kay Elijah na naging bahagi ng nangungunang serye ng Kapamilya network. “To be part of the number one show in the Philippines is a big blessing. It’s an honor honestly. ‘Yon nga rin po ang sinasabi ko sa buong team,” paglalahad ng binata.
(Reports from JCC)