Franki, kasama ang mayamang negosyante nang rumampa

Franki Russell

Nag-enjoy si OWWA Admi­nistrator Arnelli Ignacio sa nakaraang 7th The EDDYS Awards ng grupong SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors) na ginanap sa Marriott Grand Ballroom noong nakaraang Linggo. “Na-enjoy ko ito, kasi na-miss ko na rin ang showbiz,” pakli ni Arnel.

“Wala na kasi ako talaga sa showbiz. Iba na ang mundo ko. ‘Yung mga problema sa mga OFW natin? ‘Yung mga kailangang i-repatriate na mga kababayan natin, minamani ko na lang ‘yan,” sabi pa niya.

Sa rami ng ginagawa niya sa OWWA at sobrang pressure sa mga problemang hinaharap ng mga OFW, parang breather itong pagdalo niya sa ganitong showbiz event.

Nagdagdag din ng ningning ang pagdalo ng mga beauty queen na sina Kelley Day, naging 1st runner-up sa Miss Eco-International 2019, at si Franki Russell.

Ang ganda pa rin ni Kelley Day na matagal-tagal ding hindi namin nakikita. Kasama niyang rumampa ang halos dalawang taong boyfriend niyang si Rigo Joseph, ang guwapong anak ng dating aktres na si Melissa de Leon. Bale pamangkin ito ni Christopher de Leon.

Hindi rin nagpatalbog si Franki Russell na pareho sila ni Kelley na mina-manage ng kaibigan naming si Rex Belarmino.

Si Franki ang magre-represent ng New Zealand sa darating na Miss Universe, pero mas madalas na nandito siya sa Pilipinas. Mas Pinay na Pinay pa rin talaga si Franki.

May escort siya na ang sabi ay special friend daw niya nung gabing ‘yun na isa palang mayamang businessman.

Ang dami niyang nakilala roon at isa nga si Sen. Bong Revilla sa nakakatsikahan niya nung nasa Cocktails room sila.

Nakadalo rin si Franki sa The EDDYS awards dalawang taon nang nakaraan, at ang daming naintriga nang sinundo siya roon ng isang maimpluwensyang pulitiko.

Isa rin sa nag-present doon ng award ay si Michael Sager na isa sa lead star ng bagong drama series ng GMA 7 na Shining Inheritance. Hindi niya ako sinagot nang biniro kong mukhang happy naman sila ni Cassy Legaspi.

Naningkit lang ang mata at litaw na litaw ang cute na dimples na nakangiti sa akin.

Ang nasagap namin ay masaya raw sila sa relasyon nila ni Cassy, tahimik lang sila at hindi pa nila ito in-open sa publiko.

Dalawang local movie, bumangga sa Despicable

Ang tantiya ng aming reliable source, makaka-P65M ang pelikulang Despicable Me 4 na isang linggo na sa mga sinehan.

Pagkatapos ng blockbuster hit na Inside Out 2, sumunod itong Despicable Me 4 na ayon sa Box Office Mojo, naka-$75M ang opening weekend gross sa North America.

Malakas din ang A Quiet Place na ipinalabas dalawang linggo nang nakaraan.

Kaya matindi ang nakatapat ng local films natin na hindi man lang nakakasampa sa P1M sa first day of showing.

Kahapon ay dalawang local film ang nag-showing, ang That Kind of Love nina Barbie Forteza at David Licauco, at ang Marupok A+ na sa Ayala cinemas lang mapapanood, na binigyan ito ng R-18.

Na-X ito ng MTRCB nung unang review nito kaya hindi na-showing sa original playdate.

Nabigyan ito ng R-18 sa pangalawang review dahil pinalitan nila ang title mula sa Marupok AF ng Marupok A+.

Nagandahan ang mga nakapanood sa That Kind of Love, kaya sana raw ay tangkilikin ng mga mano­nood lalo na ang BarDa fans.

Dito ma-determine kung gaano kalakas ang kanilang loveteam, na nag-hit sa Maria Clara at Ibarra.

Tamang-tama naman itutuloy na nila ang promo ng pelikula hanggang sa Pulang Araw na magsisimula na sa GMA Primetime sa July 29.

Ate Vi, na-in love sa script

Ngayong linggo na ang balik ni Ms. Vilma Santos, mula sa ilang linggong bakasyon sa Amerika.

Nung nagkapalitan kami ng message sa Viber, tinanong ko sa kanya kung alin sa dalawang pelikulang inalok sa kanya ang una niyang gagawin.

Unang napabalita ang malaking film project na pagsasamahan nila ni Judy Ann Santos, at ididirek ni Chito Roño.

Isusumite nila ito sa 50th Metro Manila Film Festival, pero ang latest na nabalitaan namin ay baka gagawin din daw ni Ate Vi ang pelikulang inalok ng Mentorque Productions na ididirek ni Dan Villegas. “Alam mo, I’m so excited also the one of direk Dan Villegas,” pakli ni Ate Vi sa pinadalang voice message niya sa akin sa Viber.

“Actually, ‘yung pagkakagawa nila ng script ni direk Tonette (Jadaone), dream project ko ‘yun.

“’Yun ‘yung matagal ko nang gustong gawin. Nung nag-pitch sila sa akin ng istorya, na-in love ako sa istorya, kasi dream project ko ‘yun,” dagdag niyang pahayag.

Tinanong ko nga siya kung para rin ba ito sa MMFF. “Pang-MMFF? Hindi pa namin napag-uusapan ‘yun.

“Everything will be confirmed pagbalik ko. But, everything seems to be so exciting. ‘Yun lang. So, let’s hope for the best,” sabi pa ng Star For All Seasons.

Nakausap namin si direk Dan Villegas sa presscon ng Cinemalaya 20 kahapon at sinabi niyang malapit na raw, pero wala pa siyang kinukumpirma. “Tingnan po natin, abangan po.

“Nagustuhan niya ‘yung pitch nung last time na binigay namin. As of now, inaayos pa namin ‘yung script tapos i-present na po namin sa kanya,” matipid na sagot ni direk Dan.

Wala pa raw ‘yung final na script na kailangan pang basahin ni Ate Vi.

Pagdating naman sa isa pang project na inalok sa actress/politician na pagsasamahan nila ni Judy Ann Santos, wala pa rin daw final.

Aniya, “Judy Ann ‘yan my God! And Judy Ann hello. Gusto raw niya akong makasama, and gustung-gusto ko rin siyang makasama. Of course, direk Chito Rono pa ‘yan, bakit hindi?

“Open pa ‘yung offer. Ahhmm… alam ko may inaayos pa, but… siguro mapipinal ito pagkabalik ko sa atin. Dun lang magkaroon ng pinal. Pero, maganda, Diyos ko! It’s such an exciting ano ‘yan offer ‘yan na movie. Pero ipa-finalize pa ‘yan.”

Kaya napapagitnaan si Ate Vi sa dalawang malaking film project na isusumite sa MMFF 2024.

Show comments