Umabot na ang kilig at gigil fever sa United States at Canada dahil napapanood na dito ang Can’t Buy Me Love ng DonBelle at Linlang ng KimPau sa pamamagitan ng ABS-CBN Entertainment YouTube channel.
Pumatok sa mga manonood ang nakakakilig na kwento ng Can’t Buy Me Love at pinanggigigilang mga rebelasyon sa Linlang pagkatapos itong umere sa primetime nitong taon.
Pinagbibidahan nina Donny Pangilinan at Belle Mariano ang Can’t Buy Me Love na tungkol sa komplikadong pagmamahalan ng dalawang tao pagkatapos nilang magkakilala dahil sa isang insidente ng kidnapping.
Sa mystery-thriller series na Linlang nina JM De Guzman, Paulo Avelino, at Kim Chiu, umiikot ang kwento nito tungkol sa pagtataksil pagkatapos madiskubre ng isang laos na boxer na niloloko siya ng kanyang asawa at sarili niyang kapatid.
Ilan lamang ang Can’t Buy Me Love at Linlang sa mga programa ng ABS-CBN na available sa ibang bansa sa YouTube bilang parte ng layunin ng kompanya na maghatid ng saya at inspirasyon sa mga Kapamilya sa iba’t ibang parte ng mundo.