Gladys, sakay sa suspended Bamban mayor!

Gladys Reyes

Tawang-tawa si Gladys Reyes nang naka-text ko kahapon tungkol sa partisipasyon niya sa Abot-Kamay na Pangarap.

Ipinost niya sa kanyang Instagram account ang ilang eksenang kinunan, na parang nagwu-Wushu siya.

Isang mapanganib na kontrabida ang gagam­panan niya rito na mukhang triple pa sa pagka-kontrabida ni Moira. Siya si Nushi G sa naturang afternoon drama na dagdag magpapahirap kina Dra. Annalyn na si Jillian Ward.

Lalo akong natawa sa kuwento ni Gladys nang ipinaliwanag pa niya ang role niya rito na half-sister pala siya ni Moira. Anak siya ni Pilar Pilapil sa isang mayamang Chinese businessman. Pero sa farm daw siya lumaki!

Talagang sinakyan ang kasikatahan ng suspended Bamban Mayor Alice Guo, kaya isang Chinese ang role rito ni Gladys.

Nag-training pa pala ang aktres ng Wushu, para tama lang ang moves at position niya kapag nagpapasiklab siya ng naturang martial arts.

Guesting lang dito si Gladys, pero mukhang matagal-tagal siya dahil may twist daw ang character niya rito na may konek sa role ni Jillian at mga kasamahan nito.

Kasama ni Gladys dito si Mark Herras na parang henchman niya sa kuwento nito. Kaya mukhang matagal-tagal pa ang tatakbuhin nitong Abot-Kamay Na Pangarap dahil nanganganak nang nanganganak ang kuwento, at ang daming nadadagdag na karakter.

Kahit sa programa namin sa radyo ay may mga nagko-comment na nagsasawa na raw sila sa kasusubaybay, pero ang dami pa ring nanonood.

Consistent pa ring mataas ang rating, at nangunguna pa rin sa lahat na mga afternoon drama ng GMA 7.

Samantala, hindi gaanong impressive sa rating ng pilot episode ng Widows’ War dahil naka-8.9 percent lang ito.

Pero tumaas siya nang tumataas dahil sa mga intense na eksena nina Bea Alonzo at Carla Abellana.

Noong Martes ay 9.3 percent na siya, at noong Miyerkules ay 9.8 percent. Hindi pa siya nalagpasan ng katapat na Pamilya Sagrado.

Rampa, may open drag fest!

Nakakaloka at punung-puno talaga ng energy ang mga Rampa Reynas na drag performers ng Rampa (drag club) na matatagpuan sa Eugenio Lopez Drive, malapit sa ABS-CBN.

Meron silang halos 15 drag performers na tinatawag nilang Rampa Reynas. Dagdag pa rito ang Divine Divas na sina Precious Paula Nicole, Brigiding at Viñas DeLuxe.

Ang saya sa loob ng Rampa na lahat ay nag-e-enjoy lang, kahit ano mang kasarian.

Sabi nga ng isa sa may-ari nitong si RS Francisco, ang dami pa raw aabangan gabi-gabi.

Riot sa lahat ang Watermelon party nila tuwing Biyernes ng gabi, dahil lahat doon ay nagkakasayahan lang, walang inhibitions.

Sa trade launch nila kahapon, in-announce na rin ni RS na meron silang idinagdag na party, tuwing Linggo naman ito – na tinawag nilang Illusion.

Sa gabing ito ng Linggo ay lahat puwedeng sumali. Open sa lahat na gustong mag-perform nang naka-drag, kahit sino ka man.

“It’s an open drag festival. Kahit sino puwedeng mag-perform dito. Puwedeng magdala ng USB every Sunday,” pakli ni RS Francisco.

“Rampa is a safe space for everyone. This is a place where we welcome everybody. Babae, lalaki, lalo na ang mga pogi. Mga trans, mga L, mga G, mga B, mga T, lahat na, kahit ano, kahit anong body shape, kahit anong kulay, kahit anong expression mo. Lahat ginawa namin dito sa Rampa.

“We make everybody feel na welcome lahat dito. We are one big family,” dagdag na pahayag ni RS Francisco.

 

Show comments