Nakakalungkot ang Lunes sa showbiz dahil sa pagpanaw ng actor/director na si Manny Castañeda.
Mga bading ang mas nalulungkot dahil sa sinapit ni direk Manny, na after three days pa pala siya natagpuang wala nang buhay.
Mas nakakalungkot na mag-isa siyang namatay.
Kaya nade-depress ang ilang kabadingang naka-chat namin dahil dito nila na-realize na malungkot talaga ang buhay ng isang bading kung nag-iisa sa buhay.
Mag-isa kang nabubuhay, mag-isa ka ring mamamatay.
Pero hindi naman ibig sabihin na malungkot ang buhay ng isang bading. Pero mas maganda na kasama mo pa rin talaga ang pamilya mo. Makakabuo naman ng pamilya kahit hindi mo kadugo, basta nandiyan ang pagmamahalan sa isa’t isa.
Isa sa sobrang apektado sa pagpanaw ni direk Manny ay ang BFF niyang si direk Joey Reyes.
Ipinost nga ni direk Joey sa kanyang Facebook account na nagsimula ang kanilang magandang friendship mula pa noong 8 years old sila.
Nagkahiwalay lang daw nung mga huling taon ng grade school hanggang high school. Pero nagkita sila uli sa canteen ng La Salle, at magmula noon ay hindi na sila napaghiwalay.
Bahagi pa ng kanyang FB post; “We have been friends for sixty-one years…and how you have left. Honestly, I do not know how it is going to be without my best friend just sitting out there ready to bitch it out with me.
“We may have our differences in political beliefs, we may have our arguments but we were there for each other…all the way.”
Ramdam namin ang sobrang lungkot ni direk Joey sa pagpanaw ni direk Manny, at ganundin ang ibang nasa showbiz na nakatrabaho at naging kaibigan niya.
Hindi pa nailabas ang dahilan ng kanyang pagpanaw, pero ang huling post na nakita ko sa kanyang Facebook account ay ang get together nilang magkakaibigan, na kapansin-pansin na roon ang sobrang pagpayat ni direk Manny.
Nakikiramay po kami sa pamilya naiwan ni direk Manny Castaneda, at sa buong entertainment industry na naging bahagi rin ang magaling na actor at director.
Inaasahang isa si direk Manny sa bibigyang pugay ng grupong SPEEd sa kanilang nalalapit na Eddys Awards sa July 7 na gaganapin sa Ceremonial Hal, Newport World Resorts.
Bibigyan din ng Posthumous award si direk Carlo J. Caparas, na ang magpe-present nito ay si Sen. Bong Revilla Jr. na malapit sa tinaguriang Hari ng Komiks.
Robin, ramdam na magkakabalikan sina Daniel at Kathryn
Hanggang ngayon ay kumbinsido si Sen. Robin Padilla na magkakabalikan ang pamangkin niyang si Daniel Padilla at si Kathryn Bernardo.
Deretsahan niyang sinabi na naniniwala siyang magkakaayos pa ang dating magkasintahan. “Magkakabalikan yun, oo. Magkakabalikan yun!” bulalas ni Sen. Robin nang nakatsikahan namin sa story conference ng pelikulang Gringo: The Greg Honasan Story na ginanap sa Cliffpoint Studio sa Pasig City.
“Pag gumawa ng pelikula yun, magkakabalikan yun. Ganun lang talaga. Sa tagal natin sa industriya, alam naman natin lahat ng mga ganyang partnership, ‘yung loveteam, dadaan talaga sa prosesong ganyan.
“Kasi, nagma-mature sila, e. Nakikita na nila yung mundo kung gaano kalawak ang mundo. Kasi dati, ang liit lang ng mundo niyan.
“Mga bata yan, e. Mga bata yan, tapos umusbong ang pag-ibig. Di wala ka na lang nakikita araw at gabi kundi mukha nung babae, o mukha nung lalaki.
“Siyempre ngayon, iba na. Nag-mature na sila. May mga bago nang… siyempre, iba na yung mga project niyan.
“May maturity na. So talagang expected. Expected. Pero ako, alam kong magbabalikan yan,” saad niya pa.
Basta i-enjoy lang daw muna ang kanilang kabataan. “Sa kanilang dalawa? E ngayon, hanggang magkahiwalay kayo, mag-enjoy din kayo sa mga sarili ninyo.
“Habang nag-e-enjoy kayo, dun nyo malalaman — mahal nyo ang isa’t isa,” tugon nito.
Sana nga magkatotoo itong sinasabi ni Sen. Robin na aminadong fan din siya ng KathNiel.
Samantala, puspusan na ang paghahanda sa shooting ng Gringo movie na pagbibidahan ni Sen. Robin.
Mas maganda raw kasing nagso-shooting na sila ngayon habang nasa recess sila sa Senado.
“Yun po ang pinag-usapan namin na sana makapag-umpisa na habang break,” pakli ni Sen. Robin.
“Kasi ngayon, walang plenaryo. Sinabi ko sa kanila, pagka nagkaroon ng plenaryo, hindi ako naga-absent.
“Kahit ngayon, kahit break, naghe-hearing ako. Kung napanood n’yo kahapon, mula alas nuwebe ng umaga hanggang alas-sais kami naghe-hearing.
“E bukas uli. Ano lang, ahhh basta huwag lang tumama sa plenaryo,” sabi pa ng senador / aktor.