Kumakalat na sa social media ang announcement na simula July 15 ng alas-singko ng hapon ay mapapanood na sa TV5 ang Wil to Win ni Willie Revillame.
Mapapanood din ito sa BuKo Channel, Sari Sari Network, RPNTV at One Ph.
Magkakaroon pa muna sila ng Wilcome party sa July 14 at maaaring doon na nila pormal na ipakilala ang co-hosts nitong tinatawag nilang Win Girls na sina Cindy Miranda, Kim Molina, Christine Bermas, Ira Patrica, Ana Ramsey, Inday Fatima, Gab Basiano at Roberta Tamondong.
Meron pa raw silang ipapakilalang anak ng kilalang showbiz couple na pinagdududahan nilang si Juliana Gomez dahil naka-fencing pose sa silhouette nito.
Ayaw namang sagutin ni Ormoc Lucy Torres-Gomez, dahil career ito ng kanyang anak, at na kay Juliana raw ang desisyon.
Mukhang pinaghandaan ito nang husto ni Willie Revillame, na ang narinig namin ay naglabas na raw siya ng P200 million para sa programang ito.
Kung handang-handa na ang TV5 at si Kuya Wil sa pagbabalik nito sa telebisyon, mukhang matagal na ring pinaghandaan ng GMA 7 kung ano ang itatapat nila sa pagbabalik ng kontrobersyal TV host sa TV5.
Hindi ko lang nakuha ang buong detalye, pero mga kadatungan din ang pantapat ng Kapuso network sa naturang programa.
Pagkatapos ng It’s Showtime ay lalo nilang palalakasin ang afternoon slot ng Kapuso network sa tulong ng Family Feud na consistent na mataas naman ang rating nito.
Dati kasi sa Family Feud ay may mga tanong na silang pinapasagot sa televiewers, na makakatanggap ng P20K.
After one week pa malalaman ang winners pagkatapos nila itong ma-draw.
Ang mababago ngayon, sa Abot-Kamay na Pangarap pa lang ay may ilalabas na mga tanong na sasagutin ng televiewers, at pagdating ng Family Feud ay doon na malalaman kung sino ang mga nanalo.
Mas marami at mas malaki ang matatanggap ng winners, na nakatutok pa lang sa tanghali.
Ang tantiya raw nila ay aabutin ng P2 million ang ilalabas ng GMA 7 every week para sa winners at P100K sa charitable institutions.
Bukod pa riyan, mas masaya at mas riot daw ang mga bawat episode ng Family Feud na makakatapat ng programa ni Willie.
Ang dinig ko, pasabog ang guests na maglalaro sa Family Feud na ikawiwindang daw ni Kuya Wil kapag mapanood niya ito sa katapat ng pilot episode ng kanyang programa.
Kaya tiyak na mawawala ang antok ng televiewers sa panghapong programa na tinututukan nila.
Abangan natin ‘yan!
Alden, lagare sa US at Canada!
Nakakapagod pero masaya itong paglalagare ni Alden Richards sa Sparkle US Tour na gagawin niya simula August ng taong ito.
Bahagi ang Asia’s Multimedia Star sa Sparkle Goes to USA na concert ng mga kilalang Kapuso stars.
Naka-schedule siya sa Aug. 9 sa City National Grove of Anaheim, California.
Kasama niya rito sina Isko Moreno, Rayver Cruz, Julie Anne San Jose at Boobay.
Kinabukasan, Aug. 10 ay nasa San Francisco, California naman sila na gaganapin sa South San Francisco High School Auditorium.
Sa Aug. 11 ay babalik ng Calgary, Canada si Alden na si Boobay na lang ang kasama niya sa Southview Alliance Church, at meron pa sila sa Aug. 17 sa Toronto, Canada.
Bago itong US tour nila ay nasa Calgary, Canada na kasi si Alden dahil sino-shoot niya roon ang pelikulang Hello, Love, Again kasama si Kathryn Bernardo.
“I’m really look forward to shows like this. It has been awhile since my last international show with GMA. So, excited to those countries. Medyo marami nga sila, medyo sunud-sunod sila. Makikita n’yo po (August) 9, 10, 11, tinalun-talon ko po ‘yung United States to Canada.
“Exciting, kasi you know objective naman talaga namin whenever we do shows like this is to really enjoy and bring the Philippines to our Global Pinoys abroad,” pahayag ni Alden sa media conference ng Sparkle World Tour na ginanap sa Matrix Creation Events, Quezon City.
Kaya ratsada si Alden na excited dahil muli raw niyang makakadaupang palad ang mga kababayan nating OFW sa mga nabanggit na bansa.
Dagdag pang tumatalakay rin sa kuwento ng mga OFW itong Hello, Love, Again nila ni Kathryn.
Bukod sa US Tour ng Sparkle stars, meron ding Sparkle Goes To Japan na gaganapin naman sa Hikarigaoka Park sa Nerima City, Tokyo sa Sept. 1 ng taong ito.
Tampok naman dito ang tambalang Rayver Cruz at Julie Anne San Jose, Ruru Madrid at Bianca Umali, Ken Chan at Jillian Ward, kasama rin si Betong Sumaya.
Tuluy-tuloy na raw itong pag-iikot ng Sparkle stars sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.