Asahang mas magniningning pa ang Gabi ng Parangal para sa gaganaping 7th The EDDYS o Entertainment Editors’ Choice ngayong 2024.
‘Yan ay dahil sa tatlong celebrities na magsisilbing host ng ika-7 edisyon ng The EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Una na riyan ang itinanghal na Best Actress sa 6th EDDYS na si Janine Gutierrez (para sa pelikulang Bakit Di Mo Sabihin?) kasama ang Kapuso Millennial It Girl na sina Gabbi Garcia at movie at TV actor Jake Ejercito.
Nagmarka si Janine sa ABS-CBN series na Dirty Linen at inaasahang gagawa uli ng kasaysayan sa upcoming Kapamilya serye na Lavender Fields.
Umani ng papuri si Gabbi Garcia sa pagiging host ng Miss Universe Philippines 2024 last month na bibida uli sa Encantadia Chronicles ng GMA 7 ngayong taon.
Pinag-usapan naman si Jake Ejercito sa top-rating series ng ABS-CBN na Linlang at Can’t Buy Me Love. Pinuri rin siya sa blockbuster film na A Very Good Girl na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Dolly de Leon.
Inaasahang mas magiging matindi ang labanan sa ikapitong edisyon ng The EDDYS. Magbabakbakan ang limang de-kalibreng pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at online platform nitong nagdaang taon na gumawa ng ingay at nagmarka sa mga manonood.
Ang mga nominado sa kategoryang Best Film ay ang About Us But Not About Us (The IdeaFirst Company, Octoberian Films, Quantum Films); Firefly (GMA Pictures, GMA Public Affairs); GomBurZa (Jesuit Communications, MQuest Ventures, CMB Film Services); Iti Mapukpukaw (Project 8, GMA News and Public Affairs, Terminal Six Post) at Mallari (Mentorque Productions, Clever Minds Inc.).
Nominado naman sa kategoryang Best Director sina Derick Cabrido (Mallari); Pepe Diokno (GomBurZa); Zig Dulay (Firefly); Jun Robles Lana (About Us But Not About Us); Carl Joseph Papa (Iti Mapukpukaw).
Magpapatalbugan sa pagka-best actress sina Kathryn Bernardo (A Very Good Girl); Charlie Dizon (Third World Romance); Julia Montes (Five Breakups And A Romance); Marian Rivera (Rewind); Vilma Santos (When I Met You In Tokyo); at Maricel Soriano (In His Mother’s Eyes).
Nominado naman sa Best Actor category sina Elijah Canlas (Keys to the Heart); Dingdong Dantes (Rewind); Cedrick Juan (GomBurZa); Piolo Pascual (Mallari); Alden Richards (Five Breakups And A Romance); Romnick Sarmenta (About Us But Not About Us).
Para sa kategoryang Best Supporting Actress nominado sina Dolly de Leon (Keys to the Heart); Alessandra de Rossi (Firefly); Gloria Diaz (Mallari); Gladys Reyes (Apag); at Ruby Ruiz (Langitngit).
Sa Best Supporting Actor category maglalaban-laban sina Enchong Dee (GomBurZa); Keempee de Leon (Here Comes The Groom); Nanding Josef (Oras de Peligro); Roderick Paulate (In His Mother’s Eyes); at JC Santos (Mallari).
Ang 7th The EDDYS ay gaganapin sa darating na July 7, sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom, Newport World Resorts sa Pasay City.
Mapapanood ang delayed telecast ng idaraos na Gabi ng Parangal sa ALLTV sa darating na July 14, 10 p.m. Ito’y muling ididirek ng award-winning actor at filmmaker na si Eric Quizon.
Ang Brightlight Productions ang line producer ng awards night sa July 7, 2024.
Sa pakikipagtulungan ng Newport World Resorts at ALLTV, kasama pa rin ng SPEEd sa pagtatanghal ng The 7th EDDYS ang Globe Telecom bilang major sponsor.
Katuwang din ng grupo ngayong taon ang Beautéderm ni Rhea-Anicoche Tan, Unilab, Camille Villar, former Ilocos Sur Governor Chavit Singson at ang Echo Jam.
Sexy actress, may bagong bahay na worth P100 million
May brand new house pala ang isang sexy actress na worth more than P100 million.
Yes, you read it right.
Nagkakahalaga nga raw itong mahigit isandaang milyones.
Mayaman naman si sexy actress pero regalo diumano ang bagong bahay at lupa ng karelasyon ng sexy actress.
Sosyal nga raw kasi ang papa ni sexy actress, ang yaman-yaman as in ultra rich.
Kaya jackpot na rin si sexy actress dahil may posibilidad na pakasalan din siya nito.
Sosyal, walang binabatbat ang ibang mga nagdi-display ng kanilang mga designer item sa social media.
Ito literal na jackpot dahil sa yaman ng karelasyon.
Male showbiz personality, gusto nang magladlad
Parang gusto na ring mag-out ng isang male showbiz personality.
Sa kanyang mga post sa Instagram, malakas na ang paramdam na miyembro siya ng LGBTQIA community.
Ngayong buwan ng June pinagdiriwang ang Pride Month.
Sa mga post niya ay may pictorial ito na naka-fuchsia pink at meron ding suot ang white polo pero may hawak na balloons na iba’t iba ang kulay.
Walang masama kumbaga. Wala ring pinipiling social status ang gender.
Ang importante ay masaya siya.
Pero hintayin na siya ang maglantad at ‘wag pangunahan.
Speaking of Pride month, nagpasalamat ang QC Government sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte sa lahat ng nakiisa sa Love Laban 2 Everyone Pride Festival.
Umabot pala sa 200,000 ang dumagsa sa QC Circle noong Sabado ng gabi pero naging disiplinado kaya naging maayos at ligtas ang lahat sa buong araw na programa.
Bagama’t inulan nung gabi kaya nakompromiso ang electrical at sound system sa stage nang dahil sa malakas na ulan at posibleng makapinsala sa mga crew at mahal nating performers.
Dahil dito napagdesisyunan ng mga organizer na unahin ang kapakanan at kaligtasan ng lahat at tapusin nang maaga ang programa.
Na mas tama naman.