Napapanood gabi-gabi sa TV5 ang Pamilya Sagrado na pinagbibidahan ni Piolo Pascual. Tampok din sa naturang serye sina Kyle Echarri, Grae Fernandez, Mylene Dizon, Rosanna Roces, Aiko Melendez, Tirso Cruz III, Joel Torre, John Arcilla at Shaina Magdayao. Ginagampanan ni Shaina ang karakter ni Grace Malonzo sa bagong proyekto. “It’s very special. It is a privilege to share a frame with some of the industry’s greats na very respected. Mahihiya ka na hindi maging professional. Hindi lang ‘yung mga bago ‘yung natututo at nai-inspire kundi pati ‘yung mga ate sa industriya katulad ko. Nakaka-inspire to work kasi lahat pinaghahandaan ‘yung script. ‘Pag matagal ka na sa industriya, medyo marami ka nang roles na nagawa. But it’s the collaboration. That is what makes it unique. First time na nagkasama-sama kami lahat dito which is why this show is very special and the best,” paglalahad ni Shaina.
Sina Joel at Kyle ang madalas na kaeksena ni Shaina sa serye. Naging madali na para sa aktres ang trabaho dahil nakasama na sa magkaibang proyekto noon ang dalawang aktor. “Usually, nagsisimula tayo ng isang trabaho ini-effort mo talaga na magkaroon kayo ng chemistry, mas lalo na kapag pamilya. Nakatrabaho ko na si Kyle before so nagkaroon na kami ng bond noon, as well as Tito Joel. So, it was effortless. ‘Yon ‘yung magic, ‘yung chemistry na hinahanap nila. I’m very fortunate na hindi ko kailangang trabahuhin talaga, organic na lang. They’re all very generous characters. Kapag nasa harap kami ng camera hindi mahirap magbigay. Kasi sobrang generous nila magbigay as co-actors. While doing our scenes together, hindi siya naging mahirap. It was very heartwarming,” paliwanag ng dalaga.
Barbie, napi-pressure
Simula July 10 ay mapapanood na sa mga sinehan ang That Kind of Love na pinagbibidahan nina Barbie Forteza at David Licauco. Matatandaang unang pumatok sa mga tagahanga ang seryeng nagawa ng tambalang BarDa sa GMA. Nakararamdam ng pressure si Barbie dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatambal ang aktor sa isang pelikula. “I have to admit, of course there is pressure dahil unti-unti pa lang naman bumabalik ang mga tao sa sinehan. Pero I am quite confident with our project, our film. We are offering a feel-good romantic film na lahat tayo, pagkatapos panoorin ay mai-in love kay David Licauco,” nakangiting pahayag ni Barbie.
Umaasa ang aktres na hindi lamang ang mga tagahanga nila ni David ang tatangkilik sa bagong proyekto. Nangangarap si Barbie na magtuluy-tuloy na ang panonood ng ating mga kababayan sa sinehan. “The main purpose of all of us is to really put out a good film, na ibalik ang quality films na gawang Pilipino, na pelikulang Pilipino. ‘Yon ‘yung panoorin ng mga tao sa sinehan, hindi lang Hollywood films, hindi ba? It’s the entirety of the film industry here in the Philippines. Gusto natin buhayin ulit ang industriya ng pelikulang Pilipino,” giit ng dalaga.
“Gusto naming buhayin ‘yung film industry. Pero actually mas maganda talaga panoorin ang pelikula sa sinehan. No’ng pandemic, ang sarap manood ng sine eh. So with these kinds of films, sana ay bumalik ‘yung mga tao sa sinehan dahil masaya talaga,” dagdag naman ni David. — Reports from JCC