Mula sa pagpasok sa bahay ni Kuya sa Pinoy Big Brother hanggang sa kanilang kauna-unahang face-to-face sold out concert sa Music Museum, pinatunayan nina KD Estrada at Alexa Ilacad, na kilala bilang KDLex, ang kanilang kakayahan sa stage gamit ang kanilang talent at patunayan kung bakit sila tinaguriang ‘Hottest Musical Pair.’
Hindi maitatanggi ang kanilang nakakakilig na pagtatanghal na nagpasaya sa kanilang fans, Sweethearts. Nag-perform sila sa Music Museum – may solo at duet performances, kung saan naipakita ni KD ang kanyang husay sa paggigitara at ang magaling na pagkanta naman ni Alexa.
“The adrenaline rush that it gives, malaking boost ‘yun sa performance namin. Nakaka-hype talaga if you see them. It’s priceless when you get to see their reactions.”
Ibinahagi ni Alexa na napansin niya ang kaibahan ng concert na ito kumpara sa kanilang mga unang performances online noong 2022.
Tampok din sa kanilang concert ang guest singers na nag-perform kasama ang KDLex. Naghatid si KD ng isang hindi malilimutang duet kasama si Bugoy Drilon. Samantalang si Alexa naman nag-perform kasama ang nag-iisa niyang We Love OPM mentor na si Yeng Constantino. “Si Kuya Bugoy was an inspiration since I was 16 when I started singing. Nakikita ko ‘yung BuDaKhel, and ‘dun ako natuto mag-harmonize, mag-runs. In a way, I kind of adapted their singing style which is more of R&B and Pop. It’s a childhood dream of mine to work with one of them.” pahayag ni KD tungkol sa kanyang mga collaboration.
Ipinakita na nina KD Estrada at Alexa Ilacad ang kanilang pagiging versatile sa pamamagitan ng pagkanta, pagtatanghal, at pag-arte, o paggawa ng lahat ng ito nang sabay-sabay sa entertainment industry. Gumanap din sila sa kanilang unang teatro bilang sina Julia at Tenyong sa Walang Aray sa ilalim ng PETA, isang modernong adaptation ng Walang Sugat na kung saan naging nominated din si Alexa bilang female lead sa Gawad Buhay Awards. Nabanggit ng dalawa na ang kanilang karanasan sa teatro ay nakatulong sa kanilang growth bilang mga artista. “It helped me open up my voice. I had to learn how to sing from the chest and project my voice, so that the audience would hear me,” ibinahagi ni KD.
Sa tagumpay dulot ng kanilang kamakailan na concert na pinamagatang Add to Heart: KDLex in Concert at ng kanilang mga tagumpay sa mga proyekto sa pag-arte, ipinapakita ng duo na wala silang rason para huminto ngayon, dahil nagsisimula pa lamang ang lahat at mas umaasa pa sila sa mas maraming proyekto, indibidwal man o bilang loveteam.
Nang tanungin tungkol sa mga darating na proyekto, ipinahayag ni KD ang kawalang-katiyakan sa posibilidad ng pagrelease ng music sa loob ng 2024, ngunit nangangako siyang ipagpapatuloy niya ang kanyang sining.
Samantalang kinumpirma ni Alexa na ang music video ng kanyang hindi pa nailalabas na kanta na Kung Naging Tayo ay kasalukuyang ginagawa. Naibahagi rin niya na mas aktibo siya sa proseso ng pagbuo ng music video nito.
Pagkatapos ng malaking tagumpay para sa KDLex at sa kanilang fans, ipinangako nina KD at Alexa na ito ay simula pa lamang ng kanilang karera at nangangako silang magpapatuloy sila sa pagpapabuti ng kanilang sining habang hinuhulma ang kanilang husay mag-isa man o bilang magkasama.