Aktibo nang muli sa paggawa ng teleserye si Rosanna Roces.
Matatandaang huling napanood ang aktres sa Pira-Pirasong Paraiso na nagtapos mahigit apat na buwan na ang nakalilipas.
Ayon kay Osang ay ibang-iba ang kanyang bagong karakter bilang si Nadia Salvacion sa Pamilya Sagrado na mapapanood na simula ngayong Lunes. “360 from Pira-Pirasong Paraiso’ kasi doon salbahe ako eh. Sobrang laging galit, ‘di ba? Dito naman parang wala akong eksena na ngumingiti ako,” bungad ni Rosanna.
Para sa aktres ay talagang sinisikap niyang galingan ang bawat pagganap sa mga proyektong ginagawa. Iniaalay umano ni Rosanna ang kanyang trabaho ngayon sa namayapang Dreamscape Entertainment head na si Deo Endrinal. “Talagang mayroon akong effort na galingan. Kasi nga handpicked na kami ni Sir Deo Endrinal. So ‘yon, lagi kong pinapagpapasalamat na mula noong nagsimula ako sa Los Bastardos’ (2019), hindi na ako nawalan ng project,” pagbabahagi niya.
Malaki ang pasasalamat ni Osang sa pamunuan ng Dreamscape dahil sa patuloy na pagtitiwala sa kanyang kakayahan.
Ibinabalik lamang umano ng aktres ang respeto sa yumaong ABS-CBN executive. “Hindi kami nagkaroon ng pagkakataon na magkita parati. So hanggang sa nawala na siya, malungkot pero ito ‘yung naiwan niya eh. So kung mayroon mang offer na nag-over take dito, hindi ko talaga ginawa. Sabi ko hintay lang kasi Deo ‘to eh,” makahulugang pahayag ng aktres.
Sylvia, hinahanap ang pag-iyak
Hindi man abala sa pagiging aktres ay aktibo naman si Sylvia Sanchez bilang isang prodyuser.
Aminado ang beteranang aktres na hinahanap-hanap na rin niya ang pag-arte sa harap ng kamera ngayon. “Na-miss ko na rin umarte. Nagko-concentrate ako sa pagpo-produce para makipag-collaborate, mag-co-producer sa iba’t ibang bansa. Asian, kasi kailangan natin ‘yan ngayon. Natututo ako, ang dami-dami pang kailangang matutunan sa buhay, hindi lang pag-arte. Pero mayroon na po akong dalawang tinitingnan na mga roles na pwede kong gampanan. Depende kung ano ang mapa-finalize. Basta soon mayroon na,” pahayag ni Sylvia sa ABS-CBN News.
Ayon sa aktres ay talagang malaki ang pagkakaiba ng kanyang mga tungkulin bilang aktres at prodyuser.
Para kay Sylvia ay sa pag-arte niya nailalabas ang lahat ng pagod na nararamdaman sa totoong buhay. “Umiyak, lalo na kapag napapagod ako. Siyempre may kapaguran tayo. So parang doon ko kasi nire-release lahat ng pagod. Kung ano ang dinadala ko, do’n ko nire-release sa pag-arte. Hindi ko naman ina-apply pero bihira kasi ako umiyak sa totoong buhay. So doon ko ginagamit ang iyak ko sa pelikula, bayad pa ako,” nakangiting paglalahad ng aktres. — Reports from JCC