Mukhang matagal nang pinagplanuhan itong kasal nina Carlo Aquino at Charlie Dizon noong Linggo ng hapon.
Sa aming mga nasagap na kuwento, gusto na raw talaga ni Carlo na pakasalan si Charlie, kahit pinapayuhan pa raw ito ng ilang taong malapit sa kanya na huwag munang magmadali dahil hindi pa ganun katagal ang kanilang relasyon. Pero nakikita na raw ni Carlo kay Charlie ang katangian ng isang babaeng gusto niyang makasama forever.
Mas gusto sana nina Carlo at Charlie na tahimik lang talaga, kaya wala talaga kaming nakuhang ideya sa ilang mga bahagi sa kasal.
Noong ipinost ko sa Facebook ang pag-ambush interview ko kay Charlie Dizon sa Urian na kung saan ay deretsahan kong tinanong ang tungkol sa pagpapakasal nila ni Carlo Aquino, si Ms. Rhea Anicoche-Tan ang unang nag-share. Kaya nagduda akong siya sa magni-ninang sa kasal.
Isa nga siya sa nag-ninang, kasama ang mga taga-ABS CBN na sina Mr. Carlo Katigbak, Charo Santos, Cory Vidanes, at Direk Olive Lamazan.
Kasama rin sa nag-ninang at ninong sina Maricel Soriano, Veronique del Rosario-Pacheco, Lauren Dyogi, Congresswoman Lani Mercado, at Sen. Bong Revilla.
Hindi nakadalo si Sen. Bong dahil sa nahirapan pa siya sa kanyang operasyon sa Achilles tendon, kaya ang panganay nilang anak na si Cong. Bryan Revilla ang nag-proxy.
Nagkasama pala at naging close sina Charlie at ng anak nina Sen. Bong at Cong. Lani na si Gianna Revilla-Patricio.
Ginanap ang Christian wedding nina Carlo at Charlie sa Alta Ceranda de Tibig sa Silang, Cavite, at ang reception ay nasa Plaza Guevarra.
Samantala, binigyan na ng kahulugan ang IG post ng dating partner ni Carlo na si Trina Candaza.
Ang nasa litrato ay kuha ng isang wall na nakabakante at walang nakasabit na picture frame.
Ang nasa caption nito ay ang litrato ng water lily, na ang interpretasyon ng ilang netizens ay simbolo ng purity, rebirth, at strength.
“Because lotuses rise from the mud without stains, they are often viewed as a symbol of purity,” komento ng isang netizen.
Imelda pahinga muna sa actor’s guild
Nagsimula nang pumasok si Imelda Papin kahapon bilang isa sa Board of Directors ng PCSO. “Excited kasi balik na naman ako sa pagserbisyo. I’ve been serving my province for 9 years di ba? So, hindi na ito iba sa akin,” pakli ni Imelda sa bagong trabaho.
Dito raw muna siya mag-focus dahil matagal na raw niyang hangad na makapagsilbi sa mga tinutulungan ng PCSO.
Kaya nagustuhan nga raw ni Pres. Bongbong Marcos ang ideya niyang gustong gawin sa naturang ahensya, itong Isang Linggong Serbisyo.
Ani Imelda; “Mr. President, sabi ko meron akong program na gusto kong i-propose sa board. Ang sabi ko, ang pamagat Isang Linggong Serbisyo, o di ba? “Bongga! May koneksyon sa Isang Linggong Pag-ibig. Yung isang linggong pag-ibig, may serbisyo tayo .
“At least Saturday, Sunday…kahit online basta maaprubahan agad. Para hindi na masyadong magastos pa sa pasyente sa pamilya, kung andun pa sila for another two days.”
Kaya baka maiiwan daw muna ni Imelda ang isa pa niyang commitment bilang Presidente ng Actor’s Guild, dahil ipa-prioritize daw muna niya ang PCSO.