Tinatanong pa rin kahit ni Eric Quizon kung bakit nga ba hanggang ngayon, hinaharang pa rin ang national artist award ng kanyang daddy, Comedy King Dolphy.
“Alam mo, that has always been a question. Maski ang pamilya nga namin, hindi kami ang nagtatanong. Ang nagtatanong talaga mga tao. Bakit nila hindi ino-honor pa rin ang daddy ko na National Artist, although ever since the early 2000s or even before the turn of the century, bago mag-2000 mga late ‘90s parati siyang naso-short list,” reaction ni Eric nang tanungin namin tungkol dito.
Ang tagal na nga naman, ba’t nga ba hindi siya nakakasama? “Parati siyang naso-short list. Now, may nagsabi sa amin na ang rason daw is one; my dad is a womanizer. But then again, inaano namin ‘yun...
“Of course, kaming family, kaming mga tao, nagtatanong sila na parang, oh eh, bakit nga ‘yung mga iba? Bakit kailangan anuhin, ‘yung personal doon sa kakayahan ng tao? O ipinamalas ng tao sa Filipino audience?
“And then, sinasabi naman na ‘yung pelikula daw ng daddy ko wala raw kabuluhan. Puro raw slapstick, puro lang daw patawa, walang ano. Lahat ng pelikula ng Daddy ko talks about family. Parating, my dad always gives importance to family. Syempre comedy ‘yan eh, so nangyayari sa mga paligid puro katatawanan mga ganyan.
“Whoever was saying that na critics na nagsasabi nun, well, hindi ko alam kung anong pinanggagalingan. Pero sa akin, my question is, I just want to throw back the question, ano bang mas importante? Makabuluhan, ‘yung pelikula o ‘yung nagawa ng daddy ko na napatawa niya ang mga Pilipino?
“So ano bang mas importante napasaya niya ‘yung mga tao or gumawa ng isang makabuluhang pelikula? I think for us, mas importante ‘yung in a short moment or in a brief moment, napangiti niya or napatawa niya ang isang household sa pagpapatawa niya. Iyon talaga ang goal ng Daddy ko is to make people laugh,” mahabang pahayag pa ni Direk Eric sa aming interview.
Hanggang ngayon ay walang nakakarating sa kanila kung anong possibility ng namayapang comedy king upang maging National Artist.
“Wala naman silang sinasabi. Walang message. But he’s always shortlisted. His name always comes out. But hindi ko alam kung bakit nila parang hanggang ngayon hindi nila binibigyan. Hindi nila nire-recognize.”
Na-hurt kayo, Direk, sa mga ganung intriga?
“Ako sa akin no, basta alam ko naman na kung ano naging contribution ng Daddy ko sa industriya, sa bansa natin. At ‘yun pa lang proud na ako kung anong na-achieve niya. Kasi in itself, ‘yung napatawa niya ang sambayanang Pilipino, mas higit pa ‘yun sa kahit na anong award.”
Samantala, sa ikalawang pagkakataon, ang premyadong aktor at direktor ang magdidirek ng The 7th EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Si Eric din ang nagsilbing direktor sa ikaanim na edisyon ng The EDDYS o Entertainment Editors’ Choice na ginanap noong nakaraang taon sa Aliw Theater.
Bukod sa pagiging aktor at direktor, isa ring producer at writer si Eric o Enrico Smith Quizon sa tunay na buhay.
Mamimigay ng 14 acting at technical awards ang SPEEd para sa The 7th EDDYS na pipiliin mula sa mga nominadong pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at ilang digital platforms noong 2023.
Tulad sa mga nakaraang taon, magsisilbing highlight ng event ang pagbibigay-pugay sa bagong batch ng EDDYS Icons na itinuturing nang mga haligi ng movie industry.
Bilang pagkilala naman sa mga naging bahagi ng muling pagbangon ng Philippine movie industry, isang special award din ang ibibigay sa gabi ng parangal – ang The EDDYS Box Office Heroes.