Mahigit anim na taon nang kasal sina Coleen Garcia at Billy Crawford. Mayroong bulung-bulungan na nagkahiwalay na umano ang mag-asawa dahil sa madalas na hindi pagkakaunawaan. “Hindi, hindi talaga Tito Boy. Never kaming nag-break. But there were a lot of instances na parang almost, but not really. Kasi hindi siya pumapayag,” natatawang pahayag sa amin ni Coleen sa Fast Talk with Boy Abunda.
Kahit madalas na nagkakaroon ng tampuhan ay agad din namang naaayos ang gusot sa pagitan ng mag-asawa. Ayon kay Coleen ay talagang si Billy ang palaging gumagawa ng paaraan upang manatiling maayos ang kanilang relasyon. “Sabi niya, ‘No, let’s fix this.’ Ipinaglalaban niya talaga ‘yung relationship and I’m thankful for that. Kasi most of the times gumi-give up ako not because may nagawa siya pero dahil napapagod ako. I think gano’n lang talaga ako, Tito Boy. Parang ‘Ayaw ko na, tapos na ako.’ Palagi akong gano’n. So, it took being with somebody who is the opposite na taught me the value of commitment talaga. And nadadala ko siya everywhere, in my job,” pagbabahagi ng aktres.
Sa loob ng isang dekada ay maraming mga natututunan si Coleen mula sa kanyang asawa. Apat na taong magkasintahan sina Coleen at Billy noon bago pa tuluyang nagpakasal. “Nagpapasalamat talaga ako kay Billy. Kasi being married to him, really taught me how to be more committed. Not just in my marriage but in everything, other relationships, work. ‘Yung kapag nandiyan ka na, kailangang ituloy mo. Kailangang panindigan mo and give your best. Kapag nabigay mo na ‘yung best mo and wala pa ring nagbago, do’n ka na gumive up. Pero sa amin kasi talaga, he really makes such an effort to really fix what’s wrong,” makahulugang paglalahad niya. (Reports from JCC)