Hindi na gaanong aktibo sa show business si RR Enriquez. Taong 2015 pa nang huling nagkaroon ng TV show ang aktres sa TV5 na Happy Wife, Happy Life.
Ayon kay RR ay hindi niya hinahanap-hanap ang dating mga ginagawa dahil sa puyat. “Hindi ko nami-miss ang showbiz dahil sa puyat, Tito Boy. Hindi naman ako sobrang sikat dati pero na-experience ko magkaro’n ng three shows. I have Wowowee, Banana Split, and I have Studio 23 na ako lang ‘yung host. So tuluy-tuloy ‘yung taping. Tapos meron pa akong mga provincial shows. Tapos binabantayan ko pa si Jayjay, stressed, ha-ha-ha. Kung may offer din naman why not? Pero hindi siya ‘yung tipo na kini-crave ko talaga. ‘Yung ganitong mga guesting okay lang,” nakangiting pahayag sa amin ni RR sa Fast Talk with Boy Abunda.
Mahigit 15 taon nang magkarelasyon sina RR at Jayjay Helterbrand. Ang basketball player umano ang dahilan kung bakit tumigil ang aktres sa pag-arte. “Ayaw niya, Tito Boy. Siya nga ang dahilan kung bakit ako nag-resign sa Banana Split dati eh. Nagselos, meron kaming eksena ni John Prats, pinakita ko ‘yung likod ko. Sabi niya, ‘Why are you doing that?’ ‘Di niya alam na skit lang ‘yon. Sabi ko, ‘That was just a scene.’ ‘Do you want me also to do that sa ibang girls?’ Both Libra kaya masaya talaga ‘yung relationship,” kwento ng aktres.
Sa edad na 40 taong gulang ay hindi pa raw nakikita ni RR ang sarili na magiging isang ina. “Not for me. Kasi, Tito Boy, I grew up with big family. So bata pa lang ako nag-aalaga na ako ng bunso naming kapatid. Na-trauma ako pero I have nothing against (sa mga may anak), proud ako sa inyo, proud ako sa mga kapatid ko. Not for me,” giit niya.
Jodi, nakaramdam ng pressure
Kaabang-abang ang bagong karakter na gagampanan ni Jodi Sta. Maria sa Lavender Fields.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na gagawa ang aktres ng isang action-drama series. “’Di ko in-expect na Lavender Fields siya. May istorya, may ibig sabihin ano ba ang lavender as a plant? Alam natin na ‘yung oil na nakukuha sa kanila pang-relax pero ang isang meaning din ng lavender is distrust, hindi ka pinagkakatiwalaan. Isang malaking bagay na laging nagpapa-oo sa ‘kin sa isang proyekto is ‘yung fact na kapag kinabahan ako, kapag na-feel ko na, ‘Shocks! Parang ‘di ko siya kayang gawin.’ All the more na gugustuhin ko siyang gawin,” pagdedetalye ni Jodi sa ABS-CBN News.
Malaking karangalan para sa aktres na makatrabaho sa bagong serye ang ilan sa mga tinitingala sa industriya katulad nina Jericho Rosales, Janine Gutierrez, Albert Martinez, Lotlot de Leon, Edu Manzano at Maricel Soriano. Nakararamdam umano ng pressure si Jodi dahil sa mga makakasama sa trabaho ngayon. “These are excellent actors. Mas nagpapa-excite na makasama and hindi lang sa craft nila eh, mabubuting tao ‘tong mga makakasama ko. Pressured, yes, kasi bago, hindi ito ang comfort zone ko. Ang gagaling ng mga artistang makakasama ko. Pressured because lagi kong iniisip mapu-pull off ko ba ‘to,” pagbabahagi ng aktres. Reports from JCC