Nakakagulat ang lakas sa takilya ng Thai movie na How To Make Millions Before Grandma Dies.
Sa SM cinemas lang ito ipinapalabas at nagulat kami dahil laging sold-out ang mga screening.
Nagkaroon nga ng buzz ang pelikulang ito hindi lang dito sa bansa kundi sa iba pang Asian countries.
Nag-number one ito sa Malaysia, Singapore, Indonesia, at lalo na sa Thailand.
Dagdag pang kuwento sa amin ni Sylvia Sanchez, kahit nitong nakaraang Cannes International Film Festival ay napag-usapan din daw na maganda itong pelikula kaya gusto rin sana nila itong bilhin, kaya lang naunahan na raw sila.
‘Yung nakabili nu’n ay ini-release agad dito sa mga sinehan, at pumatok.
Nagagamay na ni Sylvia ang pagbili ng mga pelikula sa international film festivals, kagaya nitong sa Cannes. Natuto na rin daw si Lorna Tolentino na ka-collaboration ng Nathan Studios.
Sabi pa nga ni Sylvia, mas gusto muna niyang mag-focus sa kanilang production. Hindi lang niya mabanggit sa amin ang mga pelikulang nabili nila sa Cannes, dahil masyado pa raw maaga. Pero karamihan daw ay pambata.
May kumpiyansa si Sylvia na mababawi nila ang puhunan nila rito, kahit hindi nag-hit ‘yung mga una nilang nabili last year.
Nasa kontrata pala nila na pag-aari nila ang mga pelikulang nabili sa loob ng pitong taon. Kaya kahit hindi man ito nag-hit sa mga sinehan, puwede pa nilang mabenta ito sa mga streaming platforms.
Si Ria Atayde ang CEO ng Nathan Studios, kaya sobra siyang involved sa kanilang production. Pero bilang COO ay si Sylvia muna ang halos nagtatrabaho lahat.
Kapag okay ang lahat, bahala na raw ang mga anak niya sa pangangasiwa nito. Pero nilinaw na rin sa amin ni Sylvia ang bahagi nitong Nathan Studios ang asawa ng kanyang mga anak.
Kaya involved din daw dito sina Maine Mendoza at Zanjoe Marudo. “Okay naman sila, nagtatanong kami, nag-usap kami. Kung ano ‘yung movie na dapat. Ano ‘yung dapat ibenta.
“Basta nagtatanong kung ano ‘yung advice nila. Kasi panahon nila ngayon e, generation nila.
“Si Maine, ang talino, ang galing ng utak nu’n. Si Zanjoe din, kasi siyempre nasa showbiz ‘yun. So, nai-involve. Gusto ko silang magkakapatid na magtutulungan,” dagdag niyang pahayag.
Sanya, nakipag-usap sa comfort woman!
Ang lakas pala ng dating kay Sanya Lopez ng role na ginagampanan niya sa bagong drama series ng GMA 7 na Pulang Araw.
Isang comfort woman ang role ni Sanya rito at ramdam na ramdam daw niya ang hirap na pinagdaanan ng mga comfort women, lalo nang may nakausap daw siyang comfort woman.
“Nung dumating kasi ‘yung giyera… nang dahil sa hapon, walang sinisino-sino ‘yan. World war 2, walang mayaman, walang mahirap nung mga panahon na ‘yun.
“So, sa character ko medyo mabigat siya. Kasi galing ako sa mayamang pamilya e, na ginawang comfort woman. Pinahirapan ng mga hapon. So, ‘yun ‘yung mangyayari, na hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat ‘yung character,” saad ng Kapuso actress sa nakaraang media conference ng pelikula nilang Playtime na magso-showing na sa June 12.
Dalawang lolang naging comfort woman ang nakausap niya at lalo raw niyang naramdaman ang mga hirap na pinagdaanan nila nung panahon ng giyera.