Inilunsad ni Jamie Rivera ang bagong inspirational song na Ningas ng Pag-asa, ang Filipino version ng official hymn ng Jubilee 2025 na pinamagatang Pilgrims of Hope.
Si Maestro Francesco Sequeri ang sumulat ng Pilgrims of Hope na mismong tema ng The Jubilee 2025 na karaniwang ipinagdiriwang ng Simbahang Katoliko kada 25 taon.
Si Jamie naman ang bumuo ng Tagalog version na inilabas sa ilalim ng Inspire Music label ng ABS-CBN. Tampok din sa awitin ang grupong 92AD na siyang nagbigay-buhay sa Jubilee Song (The Great Jubilee) ng taong 2000 na isinulat ni Fr. Carlo Magno Marcelo.
Bago ang Ningas ng Pag-asa, maraming praise songs na ang inawit ni Jamie na talaga namang tumatak sa mga Pilipino. Kabilang dito ang Only Selfless Love, Tanging Yaman, We Are All God’s Children, at iba pa.
Noong nakaraang taon, inilabas din niya ang collaboration singles na 3 in 1 at Faith, Hope, and Love.
Napapakinggan na ang Ningas ng Pag-asa sa iba’t ibang music streaming platforms.