Balitanghali, mas maaga na
Simula sa Hunyo 3 ay mapapanood na ang Balitanghali sa mas mahaba at mas maagang oras.
Pinangungunahan ng dalawa sa award-winning and seasoned journalists sa bansa na sina Connie Sison at Raffy Tima, mapapanood na ng buong oras ang Balitanghali kung saan tinatampok ang mga pinakabago at pinakamalalaking balita mula Lunes hanggang Biyernes, 10 ng umaga.
Makakasama rin nina Connie at Raffy sa Mare, Ano’ng Latest ang segment host at entertainment reporter na si Aubrey Carampel para sa hottest showbiz news at lifestyle features.
Ang Regional TV News naman na mas nagpapalakas sa Balitanghali na may hatid na pinaka-angkop at napapanahong balita mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ay pangungunahan ng mga beteranong mamamahayag na sina Cris Zuñiga ng GMA Regional TV One North Central Luzon, Cecille Quibod-Castro ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, at Sarah Hilomen-Velasco ng GMA Regional TV One Mindanao.
Bingyang-diin naman ni Connie Sison ang paglilingkod ng Balitanghali sa publiko sa loob ng dalawang dekada: “Halos 19 na taon na po ninyong kasalo sa balitaan ang Balitanghali. Asahan po ninyong tuloy ang pagsisikap namin na maihatid sa inyo, aming loyal viewers, ang lahat ng importanteng pangyayari saan mang sulok ng mundo, katuwang ang buong puwersa ng GMA Integrated News.”
Sinang-ayunan naman ito ni Raffy Tima, “Sa pagpapatuloy na paghahatid ng balita ng Balitanghali, matutunghayan ninyo ang mas pinalakas at mas pinalawak na pagbabalita mula sa mas maraming news teams na nakakalat sa buong bansa. Bahagi ito, hindi lang ng aming kagustuhang makapaghatid ng tamang impormasyon sa mga manonood, kundi ng balitang magagamit ng taumbayan sa kanilang pagdedesisyon. Ito ang mas malawak naming misyon.”
Mapapanood ang Balitanghali, weekdays mula 10 a.m. sa GTV at simulcast sa digital channel Pinoy Hits.
Maaari rin itong mapanood ng mga Kapuso abroad sa GMA News TV.
- Latest