Hindi napigilang maluha ni Sen. Bong Revilla pagdating niya sa burol ni direk Carlo J. Caparas sa may Golden Haven Memorials, Las Pinas nung Lunes ng gabi.
Na-cremate na pala ang mga labi ni direk Carlo kaya nasa urn na ito nang binuksan nila ang burol sa mga gustong makiramay. ‘Yun na rin ang huling araw ng burol, dahil kahapon na ang inurnment nito.
Kahit naka-cast pa rin ang paa ni Sen. Bong, at nakasakay na lang ito sa parang motor na wheelchair, pinilit niyang pumunta sa burol ni direk Carlo Caparas. “Hindi puwedeng hindi ko puntahan,” pakli ni Sen. Bong.
“He’s one of my mentors, isa sa haligi ko ‘yan, dahil siya ‘yung direktor ng unang-una kong pelikula, kasama ko ang aking tatay ‘yung Dugong Buhay.
“Siya talaga nag-mentor sa akin. Siya talaga ‘yung humingi sa tatay ko nung ako ay nag-aaral sa Amerika na umuwi dito para gawin ‘yung pelikula na yan.
“Kaya napakalaki ng utang na loob ko kay direk Carlo, hanggang sa nagtuluy-tuloy ‘yung aking career, hanggang sa nagawa ko ‘yung Dugo ng Panday, nung buhay pa nu’n si FPJ. Hindi pa puwede ‘yung Panday nu’n dahil nandiyan pa si FPJ nu’n.
“Tapos nung bandang huli, binigay na sa akin ‘yung Panday mismo na istorya. Kaya nakagawa ako ng tatlong istorya ng Panday because of direk Carlo J. Caparas. Tapos ‘yung movie na pinagsamahan namin ni Lani, Sa Dibdib ng Sierra Madre,” mahabang pag-alala ng aktor/pulitiko.
Pinag-uusapan daw nila ang pagbabalik ng Panday movie.
“In fact, before mag-COVID, nag-usap kami e. Magdidirek sana siya uli with his daughter. Ibabalik namin ang Panday. Kaso inabot naman ng COVID. Since then, hindi na siya ma-reach kung saan siya.
“Nitong bandang huli, siguro may dinaramdam na siya. Para siyang nag-hibernate. Ayaw na niyang makipag-usap kahit sa pamilya niya. ‘Yun nga ang pinag-usapan namin, kahit sa sarili niyang anak nagtatago siya. Gusto niya laging mag-isa lang siya.
“Kaya talagang nakakalungkot din.”
Ang anak ni direk Carlo na si Peach Caparas ang masasabing sumusunod sa yapak niya bilang direktor. Nakapagdirek na ito ng pelikula at bago pumanaw ang ama ay naalalayan pa niya ang anak sa pagdidirek.
Mutya…, hindi tatanggap ng accla
Medyo na-eclipse ng isyu ng FAMAS ang katatapos lang na Miss Universe Philippines na napanalunan ni Chelsea Manalo ng Bulacan. Mas pinag-uusapan na ngayon si Ms. Eva Darren at pati ang singer na si Sheena Palad.
Bumubuwelo naman ngayon ang Binibining Pilipinas, at nakipag-partner na nga uli sa kanya ang Beautederm ni Ms. Rei Anicoche-Tan.
Ang kasunod namang pinaghahandaan na ay ang Mutya ng Pilipinas na nakatakda ang coronation night nito sa Sept. 6.
Nakipag-collaborate naman dito ang A Team ni Ogie Alcasid. Kaya sa trade launch nito nung nakaraang linggo ay nandun si Ms. Cory Quirino na siyang may hawak ng Mutya ng Pilipinas.
“Natuwa po kami dahil magkakaroon ng magandang collaboration,” pakli ni Ms. Cory Quirino nang nakatsikahan namin sa gala night ng Rotary Club of Aseana Manila.
Sabi pa ni Ms. Cory, ang pinakamalaki nilang titulo ay ang Ms. Intercontinental. Kukuha rin sila ng ilalaban sa Miss Tourism International, Miss Environment, Miss Filipino Overseas Communities, at may bago silang title na Miss Chinese World.
Sumusunod daw sila sa requirements ng mga international title na sasalihan nila. Kaya mga tunay na babaeng Filipina, hindi nanay at may age limit ang mga pipiliin nilang kandidata.