MANILA, Philippines — Dinepensahan ng GMA News anchor na si "Kuya Kim" Atienza ang anak na si Eliana matapos suspindihin ng University of Pennsylvania dahil sa mga gawaing aktibista kontra sa Israeli offensive sa Palestine.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang tanggalan ng UPenn ng access sa on-campus housing, dining hall at library ang 19-anyos matapos lumahok sa isang anti-Israel protest encampment.
"Eliana has always been vocal about what she believes in," wika ni Atienza ngayong Biyernes sa ABS-CBN, ito habang inililinaw na hindi pro-Hamas ang kanyang anak.
"In this instance she’s part of the organization that is anti-genocide and anti-war."
Una nang ibinalita ng New York Post na sinuspindi si Eliana kasama ang lima pang estudyante dahil sa pagsali sa kampuhan, bagay na tumutuligsa sa madugong gera ng Israel laban sa Hamas na siyang pumatay na sa libu-libong sibilyang Palestino.
Isa lang ang UPenn protest encampment sa napakarami pang protesta sa mga unibersidad sa Estados Unidos sa nakalipas na dalawang buwan.
Idiniin din ni Atienza na suportado niya at ng kanilang pamilya ang kanyang anak pati na ang kanilang mga ipinaglalaban.
Kasalukuyang sophomore student si Eliana at kumukuha ng kursong BA Environmental Studies. Ayon sa kanyang LinkedIn profile, isang climate activist at community organizer ang dalaga.
'Homeless sa ngayon'
Bumwelta rin si Atienza matapos banatan ng US conservative media gaya ng Fox News at New York Post ang kanyang anak. Sinabi kasi ni Eliana na naging homeless siya matapos suspindihin, ngunit idiniin ng outlets na may kaya ang kanilang pamilya.
"She was technically homeless because she was removed from her dorm. Unfortunately, that message was taken out of context. She never said she was poor," patuloy ni Kuya Kim.
"She had some academic sanctions, but she will be back in the next semester as they are on summer break right now."
Dagdag pa ni Atienza, hindi naman in-expel ang kanyang anak dahil sa mga naturang aktibidades.
Israeli war laban sa Hamas, Palestino
Matatandaang nagdeklara ng gera ang Israel laban sa Palestinian militant group na Hamas dahil sa pag-atake ng huli sa Zionist state noong ika-7 ng Oktubre, 2024.
Ang opensiba ng Hamas ay dulot ng patuloy na illegal occupation ng Israel sa Palestine, pagpapalawak ng Jewish settlements sa West Bank, patuloy na blockade sa Gaza Strip, banta sa Al-Aqsa Mosque atbp.
Umabot sa 1,170 katao ang namatay sa pag-atake ng Hamas atbp. militanteng Palestino. Gayanpaman, nasa 35,800 katao na ang napapatay ng Israeli forces sa Gaza, dahilan para tawagin na itong "genocide" nang marami. Karamihan sa namatay ay kababaihan at kabataan.
Nagpapatuloy sa ngayon ang air and naval strikes ng Israeli forces sa Gaza City kahit nakatakdaang desisyunan ng International Court of Justice ang isang petisyon para matigil ang Israeli military offensive dahil sa reklamo ng genocide. — may mga ulat mula sa Agence France-Presse