Coco, magiging brutal kay Vhong
Magkakatrabaho sina Coco Martin at Vhong Navarro para sa isang serye. Ayon sa aktor at direktor ay kakaiba ang konsepto ng bagong proyekto kumpara sa kanyang mga nagawa na noon. “May binubuo akong konsepto, medyo mabigat. Action, suspense, drama at saka comedy. Iba ang atake ng paggawa ng series sa ibang platform kaysa sa mga teleserye. Alam ko na ‘yung iisipin ng mga tao na action-comedy ‘yan. Hindi, iibahin ko. Iba ang character niya (Vhong), iba ang istorya. Ito mas madugo, mas brutal, mas sagad. Dapat unexpected, dapat first episode pa lang mapakapit mo na agad ‘yung mga viewers. Kaya sabi ko, ‘yung hindi ko nagagawa sa Batang Quiapo, dito sasagarin namin ‘yan,” pagbabahagi ni Coco sa ABS-CBN News.
Napapanood din ngayon sa Netflix ang mga pelikula ng aktor na Apag at Pula. Masayang-masaya si Coco dahil muling nakatrabaho ang nagsilbi sa kanyang mentor na si Brillante Mendoza. Matatandaang ang beteranong direktor din ang gumawa ng mga independent films ni Coco noong baguhan pa lamang sa show business. “Sobra kong na-miss makatrabaho si Direk Dante (palayaw ng direktor), and anytime na kailangan niya ako, okay lang. Kahit na from Ilocos na walang pahinga, diretso agad sa shooting. Natapos ko ‘yung dalawang pelikula kasi sobra akong proud, actually nag-number 1 sa Netflix. Ang tagal kong nag-TV, nag-mainstream movie, ngayon lang ako ‘pag nagkakaroon ng pagkakataon bumabalik ako sa indie films. Ang sarap balikan kasi ito ‘yung time para makapagpasalamat ako kung saan ako nagmula. Sino ‘yung mga taong tumulong sa akin noong nagsisimula ako,” paliwanag ng aktor at direktor.
Kathryn, maraming tanong sa kanila ni Alden
Muling magkakatambal sina Kathryn Bernardo at Alden Richards para sa sequel ng pelikulang Hello, Love, Goodbye noong 2019.
Magkakatrabahong muli ang dalawa ngayon sa Hello, Love, Again na mapapanood sa Nov. 13. Matatandaang sa Hong Kong pa kinunan ang mga eksena nang naunang pelikula.
Ayon kay Kathryn ay talagang kailangang pakaabangan ng mga tagahanga kung saan hahantong ang istorya ng mga karakter nila ni Alden na sina Joy at Ethan. “Ang dami kong gusto malaman. Kamusta si Joy, is Ethan okay? Nag-survive ba ‘yung LDR (long distance relationship) nila? Kamusta ‘yung buhay niya sa Canada? Nagawa niya ba ‘yung dreams niya? Hello, Love, Again will provide all the answers to my questions, and to all our questions, hopefully,” nakangiting pahayag ni Kathryn.
Si Cathy Garcia-Sampana ang magiging direktor ng bagong proyekto. Kamakailan ay pumunta na sa Canada ang kampo ng blockbuster director bilang paghahanda sa shooting ng pelikula. “More than ocular, it was more of immersion and interviews. I would like to take this opportunity to thank all the people, Pinoy and non-Pinoy sa Canada na tumulong sa amin, gano’n din naman sa Hong Kong. Unang-una talaga namang walang Hello, Love Goodbye kung walang taga-Hong Kong,” paglalahad ni direk Cathy.
Ngayon naman ay ang buhay ng mga kababayan nating nasa Canada ang matutunghayan sa naturang proyekto mula sa Star Cinema at GMA Pictures. “Tinutuloy lang natin ang kwento, lumilipat lang ng lugar pero gano’n pa rin. This is all about Filipino workers working and living abroad. Grabe, sabi namin, may iba pala talagang kwento ‘pag lumipat ka ng bansa, ibang-iba. The journey and the learnings na nakuha namin from OFW’s sa Hong Kong, na-realize namin na ibang-iba sa kwento ng Canada which excites me. Kasi at least alam ko meron kaming bagong kwento,” pagdedetalye ng blockbuster director. — Reports from JCC
- Latest