Dimples, psychological ang paghahanda sa serye

Dimples Romana.
STAR/ File

Napapanood na tuwing gabi sa Kapamilya Channel ang High Street na pinagbibidahan ni Andrea Brillantes. Ang bagong programa ang sequel ng Senior High na nagtapos noong Enero lamang. Kabilang din sa naturang iWantTFC series si Dimples Romana na gumaganap bilang si Victoria Soler. Talagang pinaghandaan umano ng aktres ang muli niyang paggawa ng serye. “The preparation is really more psychological. Kasi parang this time you want to attack it in a way that is mas textured,” makahulugang bungad ni Dimples.

Sinisiguro ng aktres na ibang atake ang kanyang ginagawa sa tuwing mayroong serye. Hanggang maaari ay kakaibang karakter ang tinatanggap ni Dimples sa mga soap opera. “Kasi kilala ang ‘Senior High’ directors for dropping bombs here and there, now and tomorrow. Now for my character, it has to mean something at some point and dapat ‘yung hindi ko pa nagagawa dati,” giit niya.

Bukod sa bagong serye ay napapanood din tuwing umaga si Dimples bilang TV host sa Gud Morning Kapatid ng TV5. Kabi-kabila man ang ginagawang trabaho ay sinisikap pa rin ni Dimples na magkaroon ng panahon para sa kanyang pamilya. “At the end of the day, dahil pamilyado akong tao, meron akong ipinapalit sa oras na ‘yon and very precious sa akin ‘yung time ko with my family,” pagtatapos ng aktres.

Elisse, walang sinusunod sa pagiging nanay

Maraming mga natututunan sa personal na buhay si Elisse Joson mula nang maging isang ganap na ina. Tatlong taong gulang na ngayon ang anak ng aktres at ng kasintahang si McCoy de Leon na si Felize. “I think being a mom is easy and wala siyang guide, wala siyang rules. There’s no rules for it so think down the line. Everyday you’re going to learn how to care for your child and it’s different for every mom. We need to accept that it’s different from everyone and just go with what you feel like is best for your kid,” paglalahad ni Elisse.

Para sa aktres ay talagang nakapapawi ng pagod sa tuwing umuuwi siya ng bahay mula sa trabaho at nakakapiling ang anak. “Every day uuwi sa bahay and then lagi na naka-hug tapos sasabihin na, ‘I love you, mommy.’ So parang everything I did within the day, it’s all worth it kapag narinig ko ‘yun,” kwento ng aktres.

Malaki ang naging impluwensya ng ina ni Elisse sa kanyang pagkatao. Ayon sa aktres ay palagi silang dalawa lamang ang magkasama ng ina mula pagkabata. (Reports from JCC)

Show comments