MANILA, Philippines — Hindi natiis ng TV host na si Vice Ganda na mapagtripan sa "It's Showtime" ang isyu ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos maparatangang Chinese citizen, Chinese spy at protektor ng na-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ang huli.
Isa kasing contestant sa "Expecially for You" segment ng "It's Showtime" ang inihalintulad ni Jhong Hilario sa mga Korean pop star. Dito na bumanat si Vice at sinabing iba ang kanyang lahi.
Related Stories
"Chinese siya. Nakalimutan ko lang 'yung pangalan niya," sabay tawa ng host habang binibiro ang contestant na si Ria nitong Lunes.
"Late [kasi] na-register 'yung birth certificate."
Biyernes lang din nang i-hot seat ni Vice ang Tsinoy contestant na si Chris, bagay na sinundan ng mga katanungan tungkol sa kanyang birth certificate at mga magulang.
"At least naaalala niya [ang mga sagot], 'di ba? Very good," sabi ni Meme Vice sa contestant.
Nang matanong ni Jhong kung sino ang "makakalimuting" personahe, ito na lang ang naisagot ni Vice: "'Yung nandoon sa Senate hearing! Hindi mo ba napanood? Panoorin niyo kaya nang aware tayo."
nawt bamban, tarlac mayor alice guo catching strays from vice ganda live on showtime ???? pic.twitter.com/eFEUbfuZgR
— Xave ???? (@BAKLAANSTATION) May 10, 2024
Ano bang pinagmulan ng isyu?
Isang linggo na ang nakalilipas nang itanggi ni Guo sa Senate hearing ang kanyang kuneksyon sa POGO operations. Gayunpaman, hindi niya masagot kung saan siya ipinanganak, saan nag-aral, atbp.
Panay, "Your honor, hindi ko na po maalala," ang naging sagot ng alkalde sa mga naturang katanungan. Una nang sinabi ni Guo na homeschooled siya mula elementarya hanggang high school kung kaya't walang school records. Gayunpaman, 'di niya masabi kung anong homeschool provider nito.
Una nang ipinagtaka ni Sen. Risa Hontiveros kung bakit 17-anyos na si Guo nakapagparehistro ng kanyang kapanganakan. Hindi rin niya maipaliwanag kung bakit hindi ito agad nagawa.
Pinanggalingan na tuloy ng sari-saring internet memes ang isyu. Ang ilang netizens pa nga, nahumaling pa sa ganda ni Guo.
Marso 2024 lang nang salakayin ng Philippine Anti-Organized Crime Commission, Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang POGO hub na Zuan Yuan Technology Inc. sa Bamban, Tarlac matapos ireklamo kaugnay ng human trafficking.
Pinaghihinaalaan din ang naturang POGO hub sa diumano'y pang-eespiya at pangha-hack ng government websites.
Ngayong buwan lang nang ibunyag ni Sen. Sherwin Gatchalian na nakarehistro sa pangalan ni Guo ang metro ng kuryente ng Zuan Yuan Technology Inc. Ilang araw pa lang ang nakakalipas nang magbabala si Gatchalian sa posibilidad ng "POGO-politics" sa bansa.
Dalawang araw pa lang ang nakalilipas nang mapilitang magpaliwanag si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia kung bakit nila tinanggap ang certificate of candidacy (COC) ni Guo noong 2022 national elections sa gitna ng kwestyon sa kanyang pagkatao.