Wala kaming napiga kay Paolo Contis tungkol sa isyu nila ni Yen Santos nung sandali naming nakatsikahan sa premiere night ng pelikula niyang Fuchsia Libre nung nakaraang Lunes, May 13.
Ngayong May 15 na ang showing ng pelikula, kaya mas gusto sana niyang dito na mag-focus hindi sa matagal na ring isyu nila ni Yen.
Pero kinulit pa rin namin kung break na nga ba sila ni Yen, dahil napansin na ang pag-delete ni Yen ng birthday post nito kay Paolo. Nag-zero ang pina-follow niya, na kahit si Paolo ay hindi niya pina-follow.
Si Paolo naman ay nag-unfollow sa lahat, except kay Yen na mag-isang pina-follow niya sa Instagram account.
Sabi ni Paolo, matagal na raw nila ginawa ‘yun, ngayon lang ito napansin.
Pero wala naman siyang sagot sa status nila ngayon ni Yen.
Bilang Fuchsia Libre ang title ng pelikula niya, libre naman magtanong na puwede niyang sagutin.
“No comment. Libre naman magtanong, pero ‘yun ang sagot ko no comment,” mabilis niyang sabi.
Wala naman siyang maayos na sagot tungkol sa pag-unfollow niya sa lahat, at si Yen na lang ang pina-follow niya. “Dati pina-follow kita, pina-follow ko si Gorgy. Pero in-unfollow ko kayong lahat. Ang ibig sabihin ba maghihiwalay na tayong lahat?” palusot nito.
“Isang magandang no comment!” lang ang sagot niya sa iba pa naming katanungan na may kinalaman sa kanila ni Yen.
“As I always say, masyado na kayong alam sa buhay ko. So, I’d like to keep my personal life, personal,” dagdag niyang pahayag.
Excited lang si Paolo dito sa Fuchsia Libre dahil first time nilang magsama ni John Arcilla sa pelikulang ito.
Puring-puri rin ni John si Paolo na kinukumpara pa niya sa acting ni Nora Aunor.
“Paolo Contis is such an amazing actor here. You know what? He is so versatile here. Kung nakita n’yo ‘yung mga trailer? Alam mo ‘yung, aba numo-Nora Aunor ‘yung anak ko a! May ganun!
“Yung subdued lang ‘yung acting, pero ang lalim. And then at the same time, funny,” nae-excite pang pahayag ni John.
Kasama rin nila sa pelikulang ito sina Khalil Ramos na napakagaling din, Gian Magdangal, Jon Santos, Buknoy Gonzales, Milo Elmido Jr., Juan Carlos Galano at may special participation si Monsour del Rosario.
Si RC delos Reyes ang director under Mavx Productions.
Dennis, takot magkomento sa Mother’s Day
Ang galing umiwas ni Dennis Padilla nung sinubukan naming i-korner sa premiere night ng pelikulang When Magic Hurts na ginanap sa NE Pacific Mall sa Cabanatuan City nung Linggo.
Alam niyang itatanong ang isyu sa mga anak niya, pati ang huling nakarelasyon niya na nag-react sa sinabing co-parenting ng komedyante.
Hiningan namin ng mensahe sa mga nanay ng anak niya, “Happy Mother’s Day sa lahat,” matipid na sagot sa amin ni Dennis.
Sinundan ko ng tanong kung okay na ba siya sa mga anak niya pati sa nanay nila, nag-thumbs up sign lang ito.
Minabuti ng aktor na manahimik na lang muna para hindi na lumaki ang isyu.
Okay na rin naman siya sa mga anak niya kay Marjorie Barretto.
Nakiusap na lang siyang abangan at panoorin ang When Magic Hurts na magso-showing na sa May 22.
Todo ang suporta niya sa pelikulang ito, para sa tambalan nina Beaver Magtalas at Mutya Orquia.
Mabait pa ang magulang ni Beaver na sina Alvin at Filipina Magtalas kaya’t all out ang suporta niya sa promotion ng naturang pelikula.