Walang malay si Claudine Barretto sa lumabas na isyung kakandidato raw sa darating na eleksyon ang ate niyang si Gretchen Barretto.
Ang tsismis, tatakbo raw si Gretchen sa Congress sa isang lugar sa Maynila, pero wala pang kumpirmasyon kung itutuloy ba niya.
“Tingin ko hindi. Hindi siguro. Ako ha?
“By now siguro kung ma-establish siguro, sana. Pero wala,” pakli ni Claudine nang sandali naming nakatsikahan sa nakaraang premiere night ng pelikulang When Magic Hurts na ginanap sa NE Pacific Mall sa Cabanatuan City nung Linggo.
Pero, kung itutuloy ni Gretchen ang pagpasok niya sa pulitika, siyempre nandiyan daw si Claudine para sumuporta. “Of course naman! Puwede ba naman hindi,” bulalas niya.
Tumakbo si Claudine sa Olongapo nung nakaraang eleksyon, pero naging experience na lang ito sa kanya, at wala na raw siyang balak na balikan ito. “Wala. Pag hindi sa yo, hindi talaga,” saad nito.
Happy na ang aktres sa kanyang showbiz career.
Abala siya ngayon sa promo ng When Magic Hurts dahil sa May 22 na ang showing nito.
All-out ang suporta niya sa tambalan nina Beaver Magtalas at Mutya Orquia, kasama pa si Maxine Trinidad.
Nakitaan niya ng magandang future ang tambalang ito. Sa dami ng mga taong dumagsa sa NE Pacific Mall nung Linggo, sure na kaming mag hit itong When Magic Hurts lalo na sa Cabanatuan.
Naka-dalawang screening ito sa tatlong sinehan sa naturang mall.
Kaya thankful si Beaver sa mga kababayan niya dahil malaking celebrity na talaga siya sa buong Nueva Ecija. Sa premiere night pa lang nito ay talagang sinuportahan na ng mga taga-Nueva Ecija.
“I’m really happy na nabigyan ng opportunity to show it here na of course, this is my first big movie po. So, I want to show it po sa mga kapwa Nueva Ecijano po, and of course to my friends and family here. Hindi na po nila kailangang lumuwas to see it,” pahayag ni Beaver Magtalas.
Joaquin nag-aambisyong maging April Boy Regino
Sandali rin naming nakatsikahan si Joaquin Domagoso noong Sabado nang magpa-audition siya sa pelikulang Idol, ang life story ni April Boy Regino.
Interesado raw siyang gawin ito dahil nakalakalihan niya ang mga sikat na kanta ni April Boy na tinagurian ding Idol ng Masa.
Hindi lang daw niya nakakanta ang mga kanta ni April Boy, pero alam daw niya ito.
Since eleksyon na next year, hiningan namin ng reaksyon si Joaquin na lumulutang ang pangalan ni Isko Moreno na tatakbo bilang Senador.
Hindi raw niya alam kung ano talaga ang balak ng kanyang ama, dahil tumatawa lang daw ito.
Pero sinabi namin sa kanya na baka hindi sa Maynila tatakbo si Isko, kundi mag senador daw ito sa 2025 elections. “Basta makakatulong siya. Kahit anong gusto niya. Iyun ang mas importante, nagagawa niya ‘yung gusto niya,” pakli ni Joaquin.
Natatawa pa si Joaquin na nagkuwento sa amin kay Cassy Legaspi pa raw niya nakukumusta ang Papa niya.
Noong may Tahanang Pinakamasaya pa kasi, mas madalas pa raw makita ni Cassy ang Papa niya kesa sa kanya.
Nagpapasalamat siya dahil tuluy-tuloy pa rin daw ang komunikasyon nila ni Cassy, kahit hindi na sila magkatrabaho.
Maganda raw ang nabuong friendship nila ng dating ka-loveteam. “Ang relationship namin, ang suwerte ko ngayon kasi yung connection ko kay Cassy hindi nawala, and because of that, na-feel ko yung camaraderie namin na maganda. Kasi you know, sometimes when you work with people, hindi na kayo nagiging close na parang hindi na kayo magkakilala. Buti pa sa kanya, hindi ako nawala sa kanya. Saka mabait yun grabe!” sabi pa ni Joaquin.
Sa ngayon ay ka-loveteam naman ni Joaquin si Zonia Mejia sa Lilet Matias: Attorney-At-Law.