Sinagot ng mag-inang Jessa Zaragoza at Jayda Avanzado ang bashing na inabot nila na ayos na ayos daw sila habang naghuhugas ng plato.
In-Instagram kasi ni Jayda ‘yung pinapahulaan niya sa Mommy niya ang lyrics ng kanta niyang Right Lover, Wrong Time.
Sabi nung isang pumuna na kailangan bang ayos na ayos habang naghuhugas ng pinggan. Parang pinlano raw naman ‘yun.
Sabi ni Jessa nang nakatsikahan siya sa birthday party ni Tita Aster Amoyo na ginanap sa Viva Café nung Biyernes, “Hindi naman ‘yun planado. Bigla na lang na-ambush ako habang naghuhugas ng pinggan.
“Wala naman kaming katulong or helper sa bahay. Galing ako sa show nu’n, sa St. Luke’s yata ‘yun.
“Siyempre, ganun ako talaga pagdating sa bahay. Pagbaba ng kotse, hindi muna ako magtatanggal ng makeup, hindi na ako nakapagbihis. Hindi pinagplanuhan ‘yun.”
Kagaya ng ibang working moms, ganun daw talaga, kaagad na isabak ang sarili sa trabaho sa bahay kahit galing sa trabaho sa labas.
Hindi naman daw siya apektado sa ganung bashing, pero sinagot niya na parang biniro pa niya.
“Sa totoo lang. Ewan ko ‘yung mga taong nakakakilala sa akin, alam nila matagal pa bago ako maasar nang bonggang-bongga. Isa ako sa mga dedma talaga. ‘Pag sumasagot ako sa ganun, hindi ibig sabihin na napipikon ako. Parang ‘ah ganun gusto mo maglaro ha? Laro tayo!’
“Ganun lang. Parang sinabihan ko lang, in-explain ko, parang binibiro-biro ko pang ano, ‘okay na ba ‘yung explanation ko? Malinaw na ba?’” natatawang pahayag ni Jessa.
Sanay raw sila sa gawaing bahay, dahil kahit nung nasa Amerika sila ay wala raw silang kasambahay.
Kahit si Jayda ay naghuhugas din daw ng pinggan at may assignment siya ng gawaing bahay.
“Kasi naman tumira siya sa Amerika. Sanay kami sa gawaing bahay. Pati pagtapon ng basura.
“Sa bahay namin, ako ang naglalaba talaga,” sabi pa ni Jessa.
Happy Mother’s Day kay Jessa.
Toothpick, nakatatak sa alaala ng ina ni Boy Abunda
Ngayong Mother’s Day na mapapanood ang limited talk series ni Boy Abunda na tumatalakay sa kuwento ng mga ina, ang My Mother, My Story sa GMA 7, 3:15 ng hapon.
Maraming nabanggit na gustong kapanayamin ni Kuya Boy, pero posibleng isa sa mga episode na ito ay si Kuya Boy naman ang magkukuwento ng tungkol sa kanyang ina.
Kung siya ang masusunod, ang gusto raw sana niyang mag-i-interview sa kanya para pag-usapan ang tungkol kay Nanay Lesing ay si Jessica Soho.
“I would probably ang kaibigang Jessica kung pagbibigyan niya ako,” pakli ni Kuya Boy.
Kaya sinundan namin ng tanong kung paano niya i-describe si Nanay Lesing in three words.
“Nanay was funny. She’s strong, and she’s kind.”
Pero ano ang fondest memory niya sa kanyang ina na dala-dala pa rin niya hanggang ngayon.
“Memories, ang unang pumasok sa isipan ko, ang hilig ko sa toothpick,” napangiting pakli ni Kuya Boy.
“Pagkakain… hindi ako marunong gumamit ng floss, nasaktan ako.
“Ang nanay, pagkakain, automatic may toothpick. And I would catch myself.
“Halimbawa… minsan, hindi pa nga ako kumakain naglalaro na ng toothpick. That was Nanay,” dagdag niyang kuwento.
“’Yung toothpick na ‘yan may kuwento siya na paulit-ulit na alam na namin… sa bahay namin, kapatid ko. Alam na namin, pero paulit-ulit niyang kinukuwento, tawa siya nang tawa sa sarili niyang kuwento.
“Na meron daw dalawang pamilya sa restaurant, isang mayaman, isang mahirap.
“Tapos lahat daw na order ng mayaman, ginagaya ng mahirap,” patuloy niyang kuwento na nagpa-sample pa ng kung ano ‘yung ino-order ng mayaman na ginagaya ng mahirap na pamilya.
“Pagkatapos ng dinner, sabi ng mayaman, ‘pahingi nga ng toothpick.’ Nanay would laugh. Tawa lang siya nang tawa dun.
“That’s a memory because, kahit gaano kahirap ang pinagdaanan ng Nanay sa buhay nakakahanap ka nang mahina para maging masaya,” sabi pa ni Kuya Boy.