Isyu sa droga throwback na
Number 1 trending kahapon si Diamond Star na si Maricel Soriano dahil sa kanyang pagdalo sa Senate hearing matapos masangkot ang pangalan sa diumano’y kumalat na Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) operational documents.
Makikitang walang kaba ang actress sa kanyang pagharap sa senate hearing na hindi pa rin ma-comprehend ng ibang fans kung ba’t kailangang ipatawag pa ang actress samantalang pwede namang lawyer na lang ang sumagot sa mga tanong ni Sen. Ronald Bato.
Saka parang throwback na raw ang kontrobersyang ‘yun.
Sa nasabing hearing ay inamin nga ni Marya na meron siyang condominium unit sa Makati City.
Ang nasabing condo unit ay nauugnay sa umano’y aktibidad ng ilegal na droga mahigit isang dekada na ang nakararaan.
At binanggit ng isa sa mga umano’y nag-leak na dokumento na isang grupo ng mga showbiz at mayayamang personalidad ang “madalas na gumagamit ng ilegal na droga sa loob ng Unit 4-C Rizal Tower Building, Rockwell Makati City.”
Gayunpaman, sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, binanggit ng chairman nitong si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang ibang condo unit number, 46-C, nang tanungin niya Marya kung pagmamay-ari niya ito.
Doon sumagot ang aktres ng oo ngunit idinagdag na naibenta na niya ito noong 2012.
“Sa’yo ‘yun?” tanong ni Sen. Bato.
“Opo. Hanggang 2012 po. Nabenta ko na ho ‘yun. Wala na ako roon,” sagot pa ng actress kahapon sa senado.
Sinabi ni Sen. Bato na noong taon ding iyon (2012) ang umano’y nag-leak na pre-operation report at authority to operate na inilabas diumano ng PDEA.
Kaya’t hiniling niya sa aktres na ibigay ang eksaktong buwan na ibinenta niya ang ari-arian. “Hindi po ako sigurado sa month, pero ‘yung year naalala ko,” sagot pa ulit ng aktres na noong panahon na ‘yun ay ‘diumano’y may boyfriend si Maricel non-showbiz.
Anyway, sa nasabi ring pagdinig, inungkat din ng senador ang reklamo noong 2011 laban sa aktres ng kanyang dalawang dating kasambahay.
Sa pagbanggit sa mga balita, sinabi ng senador na umalis umano ang mga nagrereklamo sa condo unit ng aktres “dahil sa paggamit umano nito ng cocaine.”
“Hindi po totoo ‘yan,”
Pero kinumpirma niyang umalis ang dalawang kasambahay dahil may mga ninakaw diumano ito.
“Totoo na binubugbog mo sila?” sundot na tanong ni Sen. Bato.
“Paano ko naman po bubugbugin, dalawa sila,” bwelta kaagad ni Marya.
Nababawan naman ang netizens sa ginawang pag-iimbestiga kay Marya ng senado.
Kumbaga, throwback na nga raw ang ganitong kontrobersya kay Maricel dahil years ago nang maisyuhan ang actress tungkol sa bawal na gamot.
Ba’t daw kailangang buhayin pa.