Maganda ang kinalabasan ng gusot kina Francine Diaz at ng bandang Orange and Lemons.
Ilang araw ding nag-trending sa X ang nangyari sa isang event sa San Jose, Occidental Mindoro na kung saan special guests doon ang Orange and Lemons at si Francine Diaz.
Nagkaroon ng isyu dahil sa pagsingit ng young actress bago mag-perform ang Orange and Lemons.
Nagalit ang fans ni Francine dahil sa tingin nila ay nabastos ni Clem Castro ang aktres dahil pinapatugtog nito ang gitara habang kumakanta si Francine.
Bandang huli ay nag-walk out ang naturang banda.
Sa mga nakita nating ipino-post sa X, lumalabas na meron talagang pagkukulang ang organizer ng event na ‘yun, ang Governor and Vice Governor’s Night.
Nung kainitan ng isyung ito, sinubukan naming magparating ng mensahe sa governor ng San Jose, Occidental Mindoro na si Gov. Eduardo Gadiano.
Pero naka-template ang sagot sa amin, at naghintay pa kami ng ilang araw, wala pa ring sagot.
Nagkasundo ang management team ng Orange and Lemons at ng Star Magic na magharap-harap sila para malinawan ang isyu.
Nandun ang organizer ng naturang event na humingi ng pasensya, dahil inamin nilang sa kanila talaga ang pagkukulang.
Lumabas ang pag-uusap nila, at pag-aayos sa TV Patrol noong Sabado.
“Humihingi po ako ng pasensya sa mga nangyari.
“Ito po talaga ay miscommunication lang po ng lahat, sa dami po ng nangyari that time sa event,” saad nitong Kylee.
Mismong ang bokalista ng Orange and Lemons na si Clem ang nagpatawag ng meeting dahil gusto na rin niyang maayos ito.
Pero mabuti at nagkaharap-harap sila at hindi pinairal ang galit sa insidenteng ‘yun.
Nagkausap nang maayos at nagkapatawaran.
Si Francine ay humingi na rin ng paumanhin sa bandang Orange and Lemons.
“Okay na po kami ni Sir Clem… okay naman na po, nagkaayos na. Pero nag-sorry din po ako kay Sir Clem, kasi at that time. I wasn’t thinking properly.
“Wala ako sa right state of mind. I should’ve acknowledged them. But because of intimidation, hindi ko po alam ‘yung gagawin ko.
“Nag-apologize din po ako kay Sir Clem, kasi kahit hindi ko po intention na mag-disrespect, ganun po ang nangyari. Ganun ‘yung naging kalabasan,” saad ni Francine.
Nagkasundo silang igagawa ni Clem ng kanta si Francine at imbitahin naman daw niya ang banda sa premiere night ng pelikulang My Future You na ginagawa nila ni Seth Fedelin.
Ito talaga ang sinasabi nilang “all’s well that ends well.”
Beaver, dama ang tensyon!
Sa May 22 na ang showing ng pelikulang When Magic Hurts na maglulunsad sa loveteam nina Beaver Magtalas at Mutya Orquia.
Puspusan na ang promo nila, na sinimulan muna nila sa probinsya.
Kamakailan lang ay nag-motorcade sila sa town fiesta ng Gapan, Nueva Ecija.
Pinagkaguluhan ang float ng naturang pelikula na kung saan sakay si Beaver kasama sina Maxine Trinidad at Dennis Padilla.
Unti-unti na raw napi-feel ni Beaver ang tensyon ngayong papalapit na ang showing nito sa mga sinehan.
“Ito po kasi parang hindi ko pa siya iniisip. Pero ‘yung mga kaibigan ko sinasabi na malapit na, excited na po sila.
“Ako din po, may excitement, may pressure, and at the same time ano po kaya ‘yung expectation ng mga tao. Ano po ang magiging reaction nila.
“Hopefully, maganda naman po ‘yung feedback… currently po ang naririnig ko magaganda naman ang feedback.
“Binigay naman po namin ang lahat na dito,” saad ni Beaver.
Sa totoo lang bagay na bagay sa summer itong When Magic Hurts dahil mapapanood n’yo rito ang ganda ng Atok, Benguet, pati ang lamig ng naturang lugar.