Abala si Diego Loyzaga sa promo ng pelikula nila ni Coleen Garcia na Isang Gabi under Viva Films na dinirek ni Mac Alejandre. Sa May 15 na kasi ang showing nito sa mga sinehan.
Pero ang isa pa sa pinagkakaabalahan nila ay ang 1st birthday ng baby niyang Hailey sa May 22.
Magkasunod sila ng birthday ng anak niya, dahil May 21 ang birthday ng aktor.
Kinakarir ni Diego kasama ang partner niya ang selebrasyon sa first birthday ng anak niya.
Isasabay na raw nila ito sa pag-reveal ng face ng kanilang anak.
Kung napapansin sa mga nakaraang post ni Diego, hindi pa rin nakikita ang mukha ng kanilang baby.
Kung puwede nga lang daw ay itatago na talaga nila, dahil mas mabuting ang anak na raw nila ang mag-decide kung ipapakita siya sa publiko, dahil hindi naman daw ito artista. “Yung face niya hindi pa namin pino-post. Ayoko lang kasi na one day, she’ll be like ‘why did you expose me sa mundo ng showbiz.’
“Gusto ko siya yung pipili. Gusto ko siya yung mag-decide. But the thing is, hindi na namin maiwasan, kasi napapansin namin is you know yung…wala tayong paparazzi, pero you know the regular people who take photos nang palihim, and then ipo-post nila, We might as well be the one come out already,” saad ni Diego nang nakapanayam namin ito sa DZRH nung nakaraang Lunes.
Ipinakita na raw niya ito kay Maricel Soriano nung in-interview siya para sa You Tube channel ng aktres, pero pinakiusapan niyang huwag munang ilabas. “Actually today I had interview with Inay, Maricel Soriano. I guested Hailey pero sabi ko huwag mo muna please ipakita yung face.
“Let’s wait for her birthday next month. Dun na i-out. I’ll show the world. Hindi na rin kasi maiwasan e,” sambit ng aktor.
Ang gusto sana talaga ni Diego na silang mga magulang ang unang mag-reveal ng tungkol sa kanilang anak.
Kagaya nung nagka-baby siya, naunahan siya ng iba, na wala naman daw siyang balak na itago.
Na-enjoy ni Diego ang preparasyon sa birthday ng kanyang anak, pero madugo raw pala ang gastusin. “I would have never thought na her first birthday would cost that much as the debut.
“I’m still trying to wrap my head around kung nakita ko na magkano ang presyo ng lahat. Sabi ko, ‘O teka lang…” natatawa niyang pahayag.
Learning process nga raw ito sa kanya bilang ama.
Rita, hindi kinuhang kumare’t kumpare ang mga BFF
Natawa bigla si Rita Daniela nang tinanong namin bakit hindi niya kinuhang ninong si Ken Chan sa baby niyang si Uno.
Lalong naging close raw sila ngayon ni Ken, at sa katunayan kinukuha raw siya ng bff niya na isa sa cast sa part two ng Slay Zone.
Sabi ni Rita nang nakatsikahan namin sa contract signing niya sa iSkin Aesthetic Lifestyle, ipinaliwanag na raw niya sa kanyang mga bestfriend kung bakit hindi sila kinuhang ninong at ninang ng kanyang anak.
“Parang ako naman kasi, in-explain ko yon, even my best friends, like my closest friends, isa lang…kumbaga, kumuha lang ako ng representative of them,” pahayag ni Rita.
“Kasi para sa akin, kasi kapag best friend mo, close friend mo, automatic yun, e di ba?
“Na susuportahan yung bagets, mamahalin yung bagets. So, okay na yun. Ako kasi, para sa akin kasi, ang pagkuha kasi ng ninong at ninang, mabigat na responsibilidad yun, e.
“Sila ang magbubuhay sa anak ko, magpapaaral, lahat na. So, hindi siya basta porke friends lang tayo. Uy! Ninong, ninang ka, ha?
“Ipapasa ko yung responsibilidad na yun balang araw e, di ba? So, I have to really, really decide talaga, be careful kung sino yung mga tao na yun. Alam ko na talagang kaya nila,” sabi pa ni Rita Daniela.
Kasama si Rita sa Widow’s War na gusto raw niya ang role niya rito bilang si Rebecca Palacios.