Magtatatlumpung taong gulang na si David Licauco sa Hunyo. Ayon sa aktor ay marami nang naging pagbabago sa sarili sa mga nakalipas na taon. “Ngayon iba na, marami nang ibang iniisip. I think ‘yon ang malaking difference. I have responsibilities now. Alam naman natin na kapag nagma-mature. Dati iniisip ko lang iinom ako, saan ako pupunta, ano ba ‘yung show ko na next, ano ba ‘yung movie kong gagawin, paano ako magiging ganito, pagkain, barkada. Pagkatapos ko ng taping, iisipin ko naman ‘yung negosyo ko. Tapos the next day magwo-work out pa ako. Then taping ulit, negosyo ulit. Tapos mag-iisip na naman ako para sa negosyo ko. Wala na akong time gumimik,” pagbabahagi ni David.
Isa ang aktor sa magbibida sa historical war action-drama series na Pulang Araw. Nangangarap umano si David na magkaroon ng acting award para sa naturang serye ng GMA Network. “Siyempre kung magaling naman ako dito, mapapansin din ako. For me, ang role ko dito pang-Best Actor. Or kahit ma-nominate for Best Actor dahil napakaganda ng proyekto eh. At saka ramdam ko talaga ‘yung character ko dito na gustong may mapatunayan pa, na sabihin natin kung tumigil man ako sa showbiz, masasabi ko na nag-Best Actor ako. ‘Yon ‘yung gusto kong gawin. I can’t speak for others naman pero sa sarili ko, gusto ko maging Best Actor. Kakayanin naman as long as you put in the work and continue learning the craft,” pagtatapat ng binata.
Samantala, sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkatambal sa isang pelikula sina David at Barbie Forteza. Matatandaang huling nagkatambal ang dalawa sa seryeng Maging Sino Ka Man noong isang taon. Sa Korea pa raw kukunan ang karamihan sa eksena ng bagong proyekto nina David at Barbie. “Ang pinagkaiba lang is pupunta kami sa Korea at na-enjoy talaga namin ‘yon. Masaya, mahilig ako sa Korean food. Mahilig din si Barbie do’n. At saka sa movie mas madaming shots do’n. Sanay na ako sa teleserye, mas napapagod ako sa movie. Kasi sa teleserye I would say gusto ko na one take lang. Medyo challenge when it comes to shooting a movie. Kasi hindi nga ako sanay,” paglalahad ng aktor.
Joshua Zamora, kinarir ang pagiging zumba instructor
Mag-aapat na dekada nang aktibo sa pagsasayaw si Joshua Zamora. Nagpaplano umano ang grupo nilang Manoeuvres na magkaroon ng special dance concert bilang selebrasyon ng ika-apatnapung anibersaryo. “Napapaisip kami na why not celebrate. Kasi habang nandiyan pa kami at kumpleto pa naman, kaya pa naman kahit paano. We’re looking forward to a dance concert next year to celebrate ‘yung aming 40 years in the industry. Marami na rin sa mga dancers na sumalangit na, namahinga na. Para sa amin ay naging inspirasyon namin sila para maging matatag,” nakangiting pahayag ni Joshua.
Hindi man aktibo sa pag-arte at pagsasayaw sa telebisyon ay abala naman si Joshua sa pagiging isang Zumba instructor. Nagdalawang-isip na noong una ang dancer-actor na mag-training upang maging isang ganap na Zumba instructor. “It’s a two-day training, nag-take pa ako ng ibang course. Itong Zumba another chapter of my life ‘yan. When I was about to retire sa Manoeuvres no’ng 2010 or 2011, nag-decide na lang ako to push sa pag-aartista. But this Zumba came dahil kay Ms. Regine Tolentino naman, ‘yung aking mare. Dahil in-encourage niya ako maging Zumba instructor. Sabi ko, ‘Mare, ayaw ko na, pagod na talaga ako sa pagsasayaw.’ Sabi niya, ‘I-invite lang kita sa isa kong event.’ So sabi ko, ‘Sige, ita-try ko lang.’ So during the event, nag-shadow lang ako do’n. Meaning nag-back-up lang ako sa mga Zumba instructors kasi hindi pa ako certified. So naramdaman ko na naman na ibang klase ito ah. Habang sumasayaw ako on stage, the other people are imitating your dance. So ibang crowd na naman ito, ibang dynamics na naman. This is my tenth year in Zumba fitness,” kwento ng dancer-actor. (Reports from JCC)