Nag-trending sa Poland si former Gov. Chavit Singson.
Ang topic, namamaril siya ng datung/pera.
Kaya naman pinuntahan siya ng writer from Poland at kinausap siyang gagawan ng libro.
“Dahil na news ako sa kanila, nag-trending so hinanap niya ako. Nagustuhan nila ang istorya ko, ginagawang libro ngayon. Ita-translate siya sa 20 languages, different languages,” kuwento ng dating pulitiko na ngayon nga ay nasa Korea at planong dalhin sa Pilipinas ang Korean star na si Ma Dong-seok.
Dagdag niya nang dumating ang Polish writer, “Matagal dito. Umuwi na nga. Babalik ulit next week.”
At kung may gagawa man daw ng kanyang biopic na updated, bahala na ang magiging director nito kung sino ang magiging bida.
Mayroon na siya noong pelikula na pinagbidahan ni Cesar Montano pero hindi raw kasi ‘yun umabot sa impeachment.
Wala na rin aniya siyang interes sa pulitika. Naaksidente siya noon sa eroplano nang nagbalak siyang senador.
Sa ngayon ay mas gusto niyang magnegosyo na lang at tumulong.
“Ang huling gagawin ko siguro ‘yung image ni Jesus Christ. At sa buong mundo, pinakamalaki sa Brazil - 39 meters lang. So ‘yung artist, sabi niya sa akin, 60 gawin mo pinakamalaki tayo sa buong mundo. Hindi kako 141 ang gusto ko,” kuwento niya pa sa amin nang maka-dinner namin siya kasama ang buong grupo ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Nag-iipon lang daw siya ng malaking pondo dahil mahal ang gagastusin dito. “Aabutin ‘yun ng billion.”
Target niya raw umpisahan ang pagpapagawa nito this year.
Hindi aniya siya nagsisimba pero everyday siyang nagpapasalamat sa Diyos at nagba-Bible study kasama ang mga tauhan niya.
For the record, ilan po ‘yung anak n’yo?
“Dalawa. Dalawang dosena pero magkakakilala lahat. Hindi ko tinatago. Sixteen ang babae, walo ang lalaki.”
Ilan taon po ‘yung pinaka-bata?
“Ten. Iyong bunso ko nung araw sinabi ko agad. Hindi na ‘yung bunso ah, meron ibang bunso.”
Ilan po ang apo n’yo?
“Wala akong apo. Kasi daddy papa ang tawag eh. Wala akong apo.”
Binigay rin daw niya ang lahat sa mga anak niya.
“Kung anong negosyo gusto nila, binibigay ko. Pero, ayaw ko ‘yung hindi sila marunong o hindi mag-aaral. Ayaw kong dumaan kayo sa elevator sa hagdan kayo dumaan. Mag-aral kayo.”
Kumusta naman ang mga nanay ng dalawang dosena niyang anak?
“Mga nanay nilang mabait binibigyan ko ng bahay. ‘Yung mga hindi mabait, wala na akong pakialam.”
So, ilan ‘yung hindi mabait?
“Parang lahat. Pinatawad ko, eh nagloko ulit bye-bye. Kapag may ganon pasalamat pa ako eh. Ayaw mo sakin ‘di hanap ako ng iba. Mas maganda, mas bata pa. ‘Di ba? No problem. Kung ayaw sa’yo, ayaw ko rin sa’yo. Hanap ako ng mas maganda. Thank you.”
Samantala, kasalukuyang nasa Korea ang negosyante kasama sina Manny and Jinkee Pacquiao.
Nag-post na si Jinkee na kasama ang South Korean stars na sina Lee Seung-gi, Ma Dong-seok at Nancy McDonnie.
Mapapanood din sa isang video na ipinost ni Jinkee na pumipirma si Manny sa wall ng boxing club ni Ma Dong-seok.
Caption pa ni Jinkee sa larawan nila ni Lee Seung-gi, “Para akong tita ni @leeseunggi.official.”
Anyway, Sa kanyang breakout role sa Train to Busan noong 2016, naging abala ang aktor sa movie projects at isa siya sa mga bigating artista ng South Korea. Ang kanyang pagbisita ay tiyak na magpapalakas ng pananabik ng Filipino fans na naghahangad ng mas maraming Korean star projects.
Sinabi ni Manong Chavit na inimbitahan niya si Ma Dong-seok na mag-enjoy muna sa mga pasyalan ng Maynila at malamang na humantong sa mas maraming pakikipagtulungan sa negosyo. Nakilala ng dating Gobernador ang Korean star sa pagbisita kamakailan sa Korea, si Singson kasama ang boxing legend na si Manny Pacquiao, ay nakipagkita sa ilang business associates at Korean superstars na sina Ma Dong-seok, Lee Seung-gi at Nancy McDonie ng Momoland. Ilang proyekto ang nakahanda para sa Filipino at international fans dahil ang Vagabond 2, na pinagbibidahan ni Lee Seung-gi ay kukunan sa Pilipinas.
Ang LCS Group na pinamumunuan ni Gobernador Singson ay nagpatuloy din sa pakikipag-usap sa ilang mga negosyante habang naghahanap sila ng ilang negosyo upang tumulong sa pagbibigay ng mas magandang pagkakataon para sa mga Pilipino.
“The major purpose of our trip here is about (bringing in) electric vehicles to the Philippines,” sabi ni Singson tungkol sa kasalukuyang sitwasyon sa Pilipinas. Ang mga plano ay patungo sa modernisasyon ng pampublikong transportasyon tulad ng mga jeepney sa Maynila.
Alam ni Singson na ang Korea ang perpektong kasosyo sa negosyo para sa Pilipinas, dahil ang dalawang bansa ay malapit sa isa’t isa at may magkatulad na kultura. Ang mga Pilipino ay lubos na nakikiayon sa mundo ng aliwan ng Korea.