Francine, inaming gusto si Seth!

Francine at Seth
STAR/File

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapagtambal sa isang pelikula sina Francine Diaz at Seth Fedelin. Magbibida ang tambalang FranSeth sa My Future You mula sa Regal Films. Magsisimula na ang shooting nina Francine at Seth sa susunod buwan para sa bagong proyekto.

Matalik na magkaibigan ngayon ang dalawa. Para sa aktor ay hindi malayong si Francine ang tuluyang mamahalin sa hinaharap. “Hindi po malabo, hindi ko na po i-elaborate kung ano man ‘yung mga napag-uusapan namin ni Francine. May mga times kami ni Francine na nag-uusap na kaming dalawa lang. So sa amin na lang po ‘yon,” makahulugang pagbabahagi ni Seth.

Aminado naman si Francine na gusto rin niya ang binata. Na kay Seth umano ang mga katangiang hinahanap niya sa isang lalaki. “Hindi po malabong mangyari ‘yon. Sa pagkakakilala ko po kay Seth, sa ugali niya, siya mismo bilang tao, hindi mahirap na magustuhan. Pero ‘yon nga po, katulad ng sinabi niya, hindi namin pina-prioritize na maging kami agad. Kasi may tamang oras, may tamang panahon,” paliwanag ni Francine.

Direk Lauren, naalarma sa poser!

Laking gulat ni Laurenti Dyogi nang nakatanggap ng sunud-sunod na mensahe mula sa ilang artista ng ABS-CBN. Mayroon umanong nagpakilala bilang si ‘Direk Lauren’ at nagpapadala ng mensahe sa pamamagitan ng Viber sa mga nagnanais maging artista. “Somebody was communicating with them. ‘Bibigyan ka namin ng project.’ May ganito, so nagduda na ‘yung mga artista na parang ako, na hindi ako. But I have not gotten in touch with anybody thru Viber or Telegram. So nag-alala sila, kinonfirm nila sa akin. Sabi ko, ‘hindi ako ‘yan,’” kwento ni direk Lauren sa ABS-CBN News.

Naalarma ang Star Magic at TV Production Head ng ABS-CBN nang mabalitaang mayroong mga pinaghuhubad diumano sa audition na gamit ang Zoom. “May isang nangyari na parang Zoom go-see. The person was asked, nagpe-pretend na parang boses ko, kausap siya. Nagpe-pretend na go-see ito, may project, medyo daring (‘yung project). I don’t know what transpired pero alarming,” pagdedetalye niya.

Sa Hunyo ay muling magbubukas ang Bahay ni Kuya. Kamakailan ay napabalitang ma­rami ang nanloloko sa social media at gumagawa ng identity theft upang makapanloko sa mga nagnanais maging Housemates para sa pinakabagong season ng Pinoy Big Brother. Mayroong panawagan si Direk Lauren para sa lahat ng manonood at nangangarap maging bahagi ng PBB at gustong maging artista. “If there’s somebody who wants to be with Star Magic, we have a recruitment arm. We have managers also who recommend to me for a go-see. and most of my go-sees after the pandemic, laging face-to-face. Hindi ako nagzu-Zoom. Kung may Zoom ‘yan, recruitment team namin ‘yung nagzu-Zoom pero may audition form ‘yan,” paglilinaw ni Direk Lauren.

Mayroon ding mensahe ang ABS-CBN executive sa ilang kababayan nating nanloloko sa kapwa. “Hindi ko alam kung ano ang objective n’yo. Alam ko hindi maganda ‘yan. Kung maganda ang layunin mo, maging totoo ka, maging prangka ka. Pero para gamitin pa ang pagkatao ng iba tulad ko at ‘yung iba pa sigurong managers and iba pang people in the industry, meron ‘yang masamang balak,” pagtatapos ng Star Magic at TV Production Head ng Kapa­milya network. (Reports from JCC)

Show comments