Mainit na tinangkilik ng mga tagahanga ang tambalan nina Kristine Hermosa at Jericho Rosales sa mga teleserye at pelikula mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas. Huling nagkatambal ang dalawa sa Sana’y Wala nang Wakas noong 2003. Ayon kay Kristine ay walang magiging problema sa kanyang panig kung muli silang magkakatrabaho ng aktor.
Suportado rin umano ng asawang si Oyo Sotto ang lahat ng mga ginagawa ng aktres. Walang magiging problema sa mag-asawa kung sakali mang magkatambal muli sina Kristine at Jericho sa isang proyekto.
Noong Pebrero ay naibahagi ni Kristine sa publiko sa pamamagitan ng Instagram post ang tungkol sa kanyang pagbubuntis sa ika-anim nilang anak ni Oyo.
Para sa aktres ay kinakailangan talagang maganda at makabuluhan ang kanyang magiging comeback project. “Basta ‘yung magandang project, ‘yung may katuturan,” giit pa ng aktres.
Randy, walang planong mag-retire
Mag-aapat na dekada nang aktibo sa show business si Randy Santiago. Hindi raw nakikita ng singer na magreretiro sa pagkanta sa mga susunod na taon. “No, no retirement. I’m saying that I’m getting old. I’ll be turning 64 (years old) and of course ‘yung nakasanayan nilang galaw ko eh siyempre hindi naman magandang kumakanta pa akong may edad na ako pero gano’n pa rin ‘yung galaw ko. Hindi naman po,” paliwanag ni Randy.
Para sa singer ay gagawin pa rin niya ang lahat ng makakaya para sa mga tagahangang patuloy na sumusuporta sa kanya. Posibleng maging bahagi si Randy sa napababalitang bagong programa ng kaibigang si Willie Revillame sa TV5. Ayon sa nakilalang Mr. Private Eyes ay sa likod ng kamera naman siya magtatrabaho ngayon. — Reports from JCC