Joey, inaming ‘di showtime ang niresbakan

Joey De Leon.
STAR/ File

Ang bilis ng reaction ng netizens nang magsalita sina Tito Sotto at Joey de Leon sa Eat Bulaga kaugnay sa kumakalat na balitang magsasara na ang Eat Bulaga dahil sa nalulugi na raw ito.

Hindi napigilan ni Tito Sen ang galit nang umalma siya sa balitang ‘yun.

Nangako pa siyang kinabukasan ay ilalabas daw nila ang income tax return nila para maipakita lang na hindi sila nalulugi at kaya pa ng Mediaquest at TVJ Productions na tustusan ang gastusin sa produksyon ng Eat Bulaga.

Pero naghamon naman si Joey de Leon na luluhuran niya ang programang aabot ng 15 years.

Kaagad na nagpo-post sa X ang ibang netizens na nililinaw nilang nagsimula ang It’s Showtime noong October 2009. Kaya sa darating na October ng taong ito ay mag-15 years na ito.

Kahapon ng umaga ay nag-post si Joey de Leon ng “Isang paglilinaw…”

“Ito’y para lang matapos ‘yung mga usap-usapan. Ahhh, unang-una, hindi, hindi ha? Hindi namin kaaway ‘yung Showtime.

“’Yung Showtime, matagal na naming kapitbahay ‘yan. Hindi kami tinitira, hindi rin namin sila tinitira.

“Ang pinapatungkulan namin ni Tito nung nagalit kami sa Eat Bulaga ay ‘yung mga social media na nagpo-post… ‘yung mga alam nyo na nagpoprograma. Kaya hinamon ko 15 years kung tatagal ‘yung mga nagpo-post na ‘yun. Hindi Showtime.”

Sa totoo lang, matagal nang may nagsa-suggest na maglabas na ng statement ang TV5 o ang Mediaquest kaugnay sa mga kumakalat na tsismis.

Meron pa ngang nagsasabing ililipat sila sa mas malaking studio, at inaayos na raw ang Meralco Theater.

Hindi naman daw totoo ‘yun. Hindi raw sila ililipat ng studio. Kaya nagtataka sila kung saan nanggagaling ang ganung tsismis.

Kaya hindi na raw dapat magsalita ang TVJ, dahil sa status nilang ‘yan. Hindi na dapat sila nagpapatol sa ganung tsismis.

Kaya bilib kami kay Vic Sotto na hindi talaga nagsasalita. Pa-chill chill lang siya lalo na’t malapit na niyang i-celebrate ang kanyang 70th birthday.

Jerald, pulos investment ang pinagkakaabalahan

Napapanood na si Joross Gamboa sa game show-sitcom na Barangay Singko Panalo na kung saan ka-partner na siya ni Jerald Napoles.

Kasama pa rin naman nilang host si Kayla Rivera at nadagdag na rin ang beauty queen na si Sam Coloso, at ang mga bagong mukhang sina Bob Jibailey at EJ Gonzaga.

Si Jerald ang pinakamasaya dahil ibinigay sa kanya ng IdeaFirst at TV5 ang programang ito na gustung-gusto niyang gawin.

Todo kayod siya ngayon dahil aminado naman si Jerald na pinaghahandaan na niya ang future nila ni Kim Molina. Kaya work kiti work sila.

Ito na raw ang pinagtutuunan nila dahil ‘yun na rin ang kahahantungan nila ngayong nagli-live in na sila.

Show comments